Ni Genalyn D. Kabiling

Inaasahang ilalatag ng gobyerno ang package of benefits para sa mga manggagawa sa pagdiriwang ng Labor Day sa Mayo 1, sinabi ng Malacañang kahapon.

“Well, inaasahan naman po natin na kahit papaano, eh may mabibigay na benepisyo, dahil traditional naman po iyan pagdating ng May 1,” sabi ni Presidential Spokesman Harry Roque sa panayam sa telebisyon.

Gayunman, hindi sinabi ni Roque kung kasama ang wage benefits sa regalo ng pamahalaan sa mga manggagawa sa Labor Day ngayong taon.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Hindi pa inilalabas ng Palasyo ang schedule ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa May 1 holiday.

Noong nakaraang taon, ipinagdiwang ng Pangulo ang Labor Day sa Davao City at muling nangako na wawakasan ang end-of-contract scheme o “endo” at labor-only contracting. Iginiit din ni Duterte, nakipagpulong sa mga grupo ng manggagawa, na ginagarantiya ng Labor Code ang right to security of tenure.

Aminado ang Pangulo na kailangang maisapinal na ang executive order na naglalayong mawakasan ang endo, dahil sa “unrest” sa sektor ng paggawa. Sa “endo” o “555” practice, paulit-ulit na kinukuha ang mga manggagawa sa loob lamang ng limang buwan para makaiwasa ang employer na gawin silang regular at bigyan ng mga benepisyo.

Sa kanyang talumpati sa Palasyo nitong Martes, sinabi ng Pangulo na nakatanggap siya ng isa pang draft ng EO at kailangan niya ng oras para repasuhin ang dokumento.

“We are trying our best to help the Filipino people,” ani Duterte.

Inasahan ng Malacañang na mailabas ang EO laban sa endo bago o sa mismong Araw ng Paggawa.

Lalagdaan na sana ng Pangulo ang kautusan nitong Lunes ngunit ipinagpaliban ang seremonya dahil sa hindi pagkakasundo sa isyu ng contractual employment. Ang kautusan ay binalangkas ng Department of Labor and Employment (DoLE) sa pagkonsulta sa mga manggagawa at employers.

Sinabi ni Roque, sa parehong panayam sa telebisyon, na naantala ang paglabas ng EO dahil sa iringan sa Section 2 ng draft.

Nakasaad sa draft provision na ang “endo” ay matagal nang ipinagbawal sa bansa ngunit pinahihintulutan ang job contracting scheme sa ilalim ng Labor Code.

“Pero iyong contractualization, iyong kapag sila ay regular employee ng mga service contractors ay iyan pala ay hindi naman ipinagbabawal ng Labor Code. So, iyon ang hindi nila pinagkasunduan” dugtong niya.

Sinabi ni Roque na nang repasuhin niya ang Labor Code, kinumpirma niya na ang labor-only contracting o “hakot system” ay ipinagbabawal ng batas.

Idinagdag niya na iba ang endo sa job contracting na pinahihintulutan ng batas.

“Ihiwalay natin iyong 555 endo doon sa mga contractual na trabaho na nire-recognize nila na regular employees ng mga service contractors,” aniya.