NAGSIMULA na noong nakaraang Sabado, Abril 14, ang paghahain ng Certificate of Candidacy (COC) para sa barangay at Sangguniang kabataan election, at “surprisingly, more than what we expect came to file their COC’s,” sabi ni Commission on Elections (Comelec) spokesman James Jimenez.

Sa mga nakalipas na eleksiyon, kalimitang naghahain ng COC ang mga nagnanais kumandidato sa huling araw ng pagpapasa, na tila last-minute decision ang indikasyon. Napansin din ng Comelec spokesman na halos kalahati sa mga naghain ngayon ay babae at malaki ang bilang ng senior citizen.

Ang malaking bilang ng mga nais kumandidato ay mapapalagay na napag-isipan na ng mga interesado sa mahabang panahon ang patakbo, lalo’t 2013 pa huling nagkaroon ng ganitong eleksiyon. Huli itong idinaos noong Oktubre 20, 2013- limang taon na ang nakalilipas. Nakansela naman ang dapat sanang eleksiyon noong Oktubre 2016, dahil sa “election fatigue” at inilipat sa Oktubre, 2017.

Muli itong iniurong noong Mayo, 2018, sa pagsasabi ni Pangulong Duterte na maraming barangay officials ang nanalo dahil sa pera sa droga at siguradong mananalo uli sa reelection. Habang papalapit ang Mayo 2018, iminungkahi sa Kamara de Representantes na ipagpaliban ang eleksiyon, ngunit hindi pumayag ang Senado.

At matutuloy na nga ngayong darating na Mayo 14 ang barangay at SK election. Inaasahan ng Comelec na mas marami pa ang maghahain ng kanilang COC hanggang sa huling araw nito sa Abril 20, Biyernes. Mayroong dalawang linggo ang mga kandidato para mangampanya bago ang araw ng eleksiyon sa Mayo 14, Lunes.

Hiniling ng Comelec, na pinamumunuan ngayon ni Acting Chairman Al Pareno, kasunod ng pagbibitiw ni Chairman Andres Bautista, kay Pangulong Rodrigo Duterte na ideklarang special non-working holiday ang Mayo 14, upang mabigyan ng pagkakataon ang mga Pilipino na makaboto.

Matapos ang ilang taong pagkansela sa barangay at Sangguniang Kabataan election dahil sa iba’t ibang rason, hinihintay na ito ng mga tao ngayon.