Ni Hannah L. Torregoza

Hinimok kahapon ni Senator Sherwin Gatchalian ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na apurahin ang pag-apruba sa mga bagong app-based riding service ngayong hindi na nagseserbisyo ang Uber at solo na lang ng Grab ang transport network vehicle service (TNVS) sector.

Ayon kay Gatchalian, chairman ng Senate committee on economic affairs, hindi siya kumporme kung paanong umaasta ang Grab ng “monopolistic behavior” ngayong mag-isa na lamang itong TNVS.

“Ilang linggo pa lang nawala yung Uber, marami nang reklamo ‘yung ating mga kababayan. Tumaas ng almost 30 percent ‘yung pamasahe, marami nang drivers ang tumatanggi,” sinabi ni Gatchalian sa press conference sa Senado. “Dito natin makikita na nagkakaroon na ngayon ng monopolistic behavior. Ibig sabihin pang-aabuso na itong nangyayari.”Dahil dito, iginiit ng senador na apurahin ng LTFRB ang pagpapasok sa bansa ng mga bagong ride-sharing applications, para “more players, the better price.”

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“Dapat papasukin na ang mga interesadong pumasok dito, lalo kung mayroong mga local companies na magde-develop din ng app. May demand ngayon for this type of service,” ani Gatchalian.

Una nang sinabi ng LTFRB na nasa proseso na ang ahensiya ng pagkumpleto sa akreditasyon ng tatlong local ride-sharing company, ang Go Lag, Owto, at Hype.