Ni Bert de Guzman
NASA tamang direksiyon ang paghingi ng paumanhin ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte (PRRD) sa China dahil sa hostage-crisis sa Quirino Grandstand, Rizal Park, Luneta noong Agosto 2010. Si Noynoy Aquino ang Pangulo noon at si Alfredo Lim ang alkalde ng Maynila.
Sa naturang hostage-taking incident, walong Hong Kong tourists ang napatay. Hindi kailanman humingi ng apology si ex-PNoy sa trahedya. Nagalit ang Hong Kong, isang special administrative region ng China, at hinigpitan ang mga Pilipino roon. “From the bottom of my heart, as the President of the Philippines and on behalf of the Filipino people, may I formally apologize to you now. I guarantee this will never happen again,” pahayag ni Mano Digong.
Humingi rin ang Pangulo ng apology kay Myanmar leader Aung San Suu Kyi dahil sa kanyang komento tungkol sa Rohingya people na minamaltrato ng Myanmar government at ng mga sundalo nito. Ang Rohingyans ay mga Muslim na dumaranas ng diskriminasyon sa Myanmar. Sabin g Pangulo, hindi raw kumikilos si Aung tungkol dito.
Gayunman, kung si PDu30 ay humingi ng paumanhin, mabagsik naman siya kina International Criminal Court (ICC) prosecutor Fatou Bensouda at Agnes Callamard, UN Human Rights rapporteur. Ipaaaresto raw niya si Ms. Fatou kapag pumunta ito sa bansa para magsagawa ng preliminary examination tungkol sa brutal drug war ni PRRD.
May mga balitang libu-libong pushers at users ang napatay na ng mga pulis at vigilantes. Sasampalin naman niya si Callamard kapag nagtangkang pumasok sa Pilipinas para magsiyasat din hinggil sa madugong giyera ng administrasyong Duterte laban sa bawal na droga.
Tinawag niya si Ms. Fatou na “babaeng maitim” samantalang si Callamard ay “isang payat na babae.” Sa datos ng Philippine National Police (PNP), mahigit lang sa 4,000 ang napatay sa mga pagsalakay at buy-bust operation dahil NANLABAN ang pushers at users na may tangang .38 revolvers. Ilan naman ang napatay na drug lords, smugglers, suppliers, at may-ari ng shabu laboratories?
Kung sa report ng PNP ay may 4,000 lang ang mga napatay na tulak at adik, para naman kay Sen. Antonio Trillanes IV, mahigpit na kritiko ng ating Pangulo, umabot na sa 20,000 ang napatay ng mga pulis ni Gen. Bato kaugnay ng Oplan: Tokhang at Oplan: Double. Sino kaya ang paniniwalaan ng mga Pinoy?
Tuloy ang banat ni Pres. Rody kay Supreme Court Chief Justice Ma. Lourdes Sereno. Tinawag pa niyang ignorante sa batas ang Punong Mahistrado. Nagalit ang Pangulo sanhi umano ng panawagan ni Sereno na mag-demand ng arrest warrants ang mga suspect kapag sila’y hinuhuli. Dahil dito, lumalakas daw ang loob ng mga drug dealer, pusher at user. Itinanggi ni Sereno na nag-isyu siya ng gayong panawagan.
Nilinaw ni Sereno na ang tanging pahayag niya sa drug war ng Duterte admin ay isang apela sa PNP at awtoridad na maging maingat sa paglilista sa mga hukom bilang drug suspects. Obserbahan na lang natin ang bangayan ng dalawang sangay ng pamahalaan -- ng Ehekutibo at Hudikatura. Sino kaya ang unang kukurap?