Ni Manny Villar
HINDI ko tiyak kung kailan ang eksaktong sandali na mangyayari ang pagbabago. Ngunit unti-unti kong napansin ang pagbabago mula sa pagkakamayan at paghalik sa sanggol o pagyakap sa nakangiting lola hanggang sa pagngiti sa harap ng cellphone. Namamanhid ang aking pisngi dahil sa pagngiti habang kasama ang mga grupo ng tao na nakataas ang kanilang mga cellphone upang kumuha ng selfie.
Ang mga pagbabago sa kultura ay madalas nagmumula sa mga imbensyon at pagbabago sa teknolohiya. Ganito nagbago ang daigdig sa paglabas ng imprenta, telebisyon, telepono at ang palasak ngayong cellphone.
Ang selfie ay produkto ng malakas na pagsulong ng information communications technology, lalo na ang mobile communications, na ginawang posible ang pagkuha ng sariling larawan at pagpapadala nito sa buong mundo.
Umabot na rin sa pulitika ang kulturang ito. Nang pumasok ako sa pulitika noong 1992, sinabi ko sa aking pangkat na kailangang mapuntahan namin ang buong distrito noon ng Las Piñas at Muntinlupa upang madama ang pulso ng tao. Higit sa pagkamay at paghalik sa mga sanggol, nais ko silang makausap. Sa aking karanasan sa pulitika, natutuhan ko ang halaga ng maikling pakikipag-usap sa mga tindera sa palengke, sa nagtatrabahong ina, at sa manggagawa sa konstruksyon upang malaman ang tunay na pangangailangan ng mga tao.
Ngayon, ang selfie na ang pinakapopular na pag-uugnayan ng mamamayan at pamahalaan.
Gaya ng lagi kong sinasabi, walang pinapanigan ang teknolohiya – hindi ito mabuti o masama – depende kung paano gagamitin.
Para sa mga pulitiko, dapat gamitin ang teknolohiya upang maging demokratiko ang pamamahala. Sa mga botante, dapat gamitin ang teknolohiya upang palakasin ang partisipasyon ng mga mamamayan. Nakaaantig sa puso kapag nilalapitan ako ng mga tao upang magtanong o magkuwento tungkol sa kanilang buhay.
Sa isang daigdig na tuloy-tuloy ang pagbabago, isang bagay ang nananatili: ang pamamahala ay tungkol sa paglaban para sa kapakanan ng bayan, at pag-unawa sa pangangailangan ng mga tao at ng bansa, higit sa selfie o pagkamay.
(Ipadala ang reaksiyon sa: [email protected] o dumalaw sa www.mannyvillar.com.ph)