Ni DANNY J. ESTACIO

CAMP NAKAR, Quezon – Kinumpirma kahapon ni Quezon Police Provincial Office (QPPO) director Senior Supt. Rhoderick Armamento na high-grade cocaine ang 35.1 kilo ng droga na natagpuan ng mga mangingisda sa karagatan sa hangganan ng Quezon at Camarines Norte nitong Linggo.

Ang nakumpiskang cocaine ay may kabuuang halaga na P175 milyon, ayon pa sa QPPO.

Ayon kay Senior Supt. Armamento, ang nasabing bulto ng cocaine ay isinuko ng mga mangingisdang sina Jhony Cyde Merluza, 36; Ruben Yanela, 40; Ricks Coros, 36; at Cecilio Amargo, 45, pawang taga- Barangay Pinagtubigan sa Perez, Quezon, kay Senior Insp. Ferdinand Bondad, hepe ng Perez Municipal Police.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Sa police report sinabi ni Senior Supt. Armamento na bandang 9:30 ng umaga nitong Linggo nang makatanggap ng impormasyon ang pulisya mula kay Leonardo Reyes, barangay chairman, tungkol sa pagkakadiskubre ng mga mangingisda ng isang asul na container na namataan ng mga itong palutang-lutang sa Camarines Norte.

Nang buksan ng mga pulis ang container ay natuklasan sa loob nito ang 27 pakete ng droga na umaabot sa 1.3 kilo bawat isa.

Sinabi ni Senior Supt. Armamento na kaagad na dinala ng lokal na pulisya ang kontrabando sa Provincial Laboratory sa Lucena City para suriin, hanggang nakumpirmang high-grade cocaine ito.

Kaugnay nito, ipinag-utos din ni Senior Supt. Armamento sa mga pulisya sa coastal areas sa paligid ng Quezon at Camarines Norte na magsagawa ng search operation sa kani-kanilang nasasakupan sa posibilidad na may matagpuan pang droga na kasama ng lumutang na bultu-bulto ng cocaine.