SA edad na 65 ay pumanaw na si Harry Anderson, ang palakaibigang aktor na bumida sa NBC comedy na Night Court sa loob ng siyam na season, sa kanyang tahanan sa Asheville, N.C., ayon sa local media report.

Harry copy

Ayon sa ulat ng Variety, natagpuan ng mga pulis ang walang buhay nang katawan ni Anderson sa loob ng kanyang bahay nitong Lunes ng umaga, lahad sa report ng WSPA-TV, ang katuwang ng CBS sa Greenville, N.C. At ayon sa pulisya ay walang pinaghihinalaang foul play sa insidente, iniulat ng Variety.

Si Anderson ay isang magician na naging aktor at kilala bilang masugid na tagahanga ng jazz singer na si Mel Torme.

Tsika at Intriga

'Magkagalit sila?' Dennis, Ruru 'di raw nagpansinan sa set ng 'Green Bones'

Ang kanyang paghanga kay Torme ay kanyang isinabuhay sa kanyang TV alter ego, si Judge Harry Stone, isang kakaibang karakter na namuno sa Manhattan night court. Tumagal ang sitcom ng NBC mula sa taong 1984 hanggang 1992.

Nakatanggap din si Anderson ng tatlong magkakasunod na nominasyon sa Emmy, para sa kanyang natatanging pagganap sa serye mula noong 1985 hanggang 1987.

Kinilala naman at biglang sumikat si Anderson makaraan siyang gumanap bilang si Harry ‘the Hat’ Gittes sa Cheers ng NBC noong 1980s. Sa takbo ng Night Court, gumanap si Anderson bilang isang may saltik ngunit mabait na judge na nakakaengkwentro ng iba’t iba at kakaibang mga karakter at kaso kada linggo. Bumida din sa series sina John Larroquette, Richard Moll, Charlies Robinson, Marsha Warfield, at Markie Post.

Pagkatapos ng kanyang trabaho sa Night Court, naging co-star naman si Anderson sa CBS comedy na Dave’s World, bilang si Dave Barry, na umere sa loob ng apat na season. Kalaunan ay lumipat si Anderson sa New Orleans noong 2000 upang doon buksan ang nightclub na Oswald’s Speakeasy, kung saan siya nagtanghal ng magkahalong comedy at magic, at isang magic at curio o antique shop na tinawag na Sideshow.

Lumabas din si Anderson sa Son of the Beach ng FX noong 2002, at noong 2008 ay gumanap sa 30 Rock ng NBC. Ngunit sa kabila ng lahat ng ito, nanatili siyang malayo sa Hollywood. Lumipat siya sa North Carolina noong 2006 makaraang salantain ng Hurricane Katrina ang New Orleans.

Isinilang sa Rhode Island, iniulat na hindi umano naging maganda ang naging kabataan ni Anderson at madalas silang palipat-lipat ng bahay ng kanyang ina, na minsan niya nang inilarawan bilang “a hustler” nang makapanayam ng Playboy. Lumipat siya sa California sa edad na 16 upang manirahan kasama ang kanyang ama. Naging isang street performer si Anderson.

Nabigyan naman ng pagkakataon si Anderson na makapagtanghal sa popular na Magic Castle sa Los Angeles noong 1980.