Nina ROY C. MABASA at BELLA GAMOTEA
Mahigpit na nakikipagtulungan ngayon ang gobyerno ng Pilipinas sa mga awtoridad ng Saudi Arabia upang matiyak na mapanagot ang amo ni Agnes Mancilla, na nagpainon sa kanya ng bleach.
Sa pahayag na inilabas kahapon, iniulat ng Department of Foreign Affairs na makikipagkita si Consul General Edgar Badajos ng Philippine Consulate General sa Jeddah sa mga awtoridad sa Jizan na humahawak sa kaso ni Mencilla upang matiyak na maisasampa ang mga tamang kaso laban sa kanyang employer.
Iniulat pa nito na bumuti na ang kondisyon ni Mencilla at nakakapagsalita na ito.
“Despite her condition, Agnes Mancilla was able to share her horrifying story of abuse in the hands of her employer,” sinabi ng DFA.
Sinabi ng OFW kay Consul General Badajos na pinuwersa siya ng kanyang babaeng amo na uminom ng bleach dahil sa hindi tamang paggawa ng tsaa.
Sinabi rin niya na hindi siya binibigyan ng pagkain maliban sa kape sa loob ng halos 40 araw at pinagtatrabaho mula 5:00 ng umaga hanggang 2:00 ng madaling araw.
Sinabi rin ni Mencilla na ang mga paso sa kanyang likod ay mga marka ng kagat.
“Kinakagat daw siya palagi ng amo niyang babae tuwing nagkakamali siya,” salaysay ni Badajos.
Dumating si Mancilla sa Saudi Arabia noong 2016 bilang kasambahay sa parehong employer. Noong una ay nakatira sila sa Jeddah ngunit nitong nakaraang taon ay lumipat sa Jizan kung saan nagsimula ang pangmamaltrato.
Dalawang taon na siyang walang balita sa kanyang pamilya sa Pilipinas dahil kinumpiska ng kanyang mga amo ang kanyang cellphone.
Walang malay na isinugod si Mancilla ng isang kapwa Pinoy sa Jizan King Fahd Central Hospital noong Abril 2 matapos umano siyang painumin ng bleach ng kanyang amo.
2 NASAGIP
Samantala, dalawang Pinoy na kasambahay na tumakas sa kanilang mga amo sa Najran at Al Baha Regions sa timog-kanluran ng Saudi Arabia ang nasagip ng mga opisyal ng Konsulado ng Pilipinas at POLO-OWWA sa Jeddah sa tulong ng Filipino community nitong Abril 11 at 12.
Tiniyak naman ni Abdullah Bin Ahmed Al-Tawi, Director General ng Saudi Ministry of Labor and Social Development, Makkah Region, kay Consul General Badajos ang tulong at kooperasyon ng Ministry sa pagtulong sa OFWs, kabilang ang Household Service Workers (HSW), na mayroong labor problems sa kaharian.
Ito ang tiniyak ng Director General nang tawagan siya ni Badajos noong Abril 15, sa Ministry of Labor office sa Jeddah.
Ayon sa Director General, malapit nang matapos ang isang bagong pasilidad na magsisilbing temporary shelter para sa HSWs na naghihintay ng repatriation.