Ni Merlina Hernando-Malipot
Inako kahapon ni Vice President Leni Robredo ang buong responsibilidad sa kontrobersiyal na Berlin Holocaust Memorial photo na kumalat sa online at naglabas ng paumanhin sa anumang “offense to the sensitivities” sa mamamayan na idinulot nito.
Sa chance interview kay Robredo sa Asian Forum on Enterprise for Society (AFES) 2018 sa Pasay City, aminado siya sa mga batikos sa litrato kung saan kasama niya ang ilang public officials sa Memorial to the Murdered Jews of Europe.
“There is no excuse for it,” ani Robredo sa paglabas niya ng paumanhin “for offending the sensitivities of others.”
Wala mang masamang intensiyon, inako niya ang buong responsibilidad sa insidente. “I would like to apologize for whatever offense to the sensitivities of the people it caused,” idinugtong niya.
Bilang chairperson ng Liberal Party, sinabi ni Robredo na inaako niya ang “full responsibility” para sa litrato na kinunan nang sumama siya at ilang mga kapartido niya sa study tour sa poverty alleviation sa Berlin, Germany nitong nakaraang linggo.
Nauna rito ay ipinaskil ni Ifugao Representative Teddy Baguilat ang litrato ngunit inalis din kalaunan. Naglabas siya ng apology pagkatapos nito “for this lapse in my post.”
Sumama si Robredo at ilang miyembro ng LP sa study tour na pinondohan ng Friedrich Naumann Foundation (FNF)- Philippines. Tinalakay sa tour ang iba’t ibang aspeto ng pamamahala na naglalayong makahanap ng solusyon para mabura ang kahirapan at maisulong ang hustisya sa lipunan. Regular na nagdadaos ng study visits ang FNF para sa mga lider sa mga umuunlad na bansa upang bigyan sila ng oportunidad na makipagdayalogo sa mga opisyal, at mga kilalang indibidwal sa ibang bansa tulad ng Germany.
NO COMMENT
Wala namang komento si Robredo sa ulat na 5,000 boto ang nawala sa kanya sa recount dahil sa “gag order” na inilabas ng Supreme Court na nakaupo bilang PET.
“Actually we can’t talk about it, we have a gag order,” ani Robredo nang hingan ng komento sa ulat. Inamin man niya ang “many concerns” niya sa nagpapatuloy na recount, pinili niyang sumunod sa gag order ng SC. “We have concerns but we can’t talk about it, we’re not allowed to talk about the case,” paliwanag niya.
Inimbitahan si Robredo na magsalita sa 2018 AFES na ginanap sa Conrad Manila kung saan binigyang-diin niya ang pangangailanghan sa mas maayos na pagtutulungan ng stakeholders – at iba pa.
“The sad truth is that sometimes, we say the right words, but our actions prove that we are not very eager to collaborate,” aniya.