Ni Gilbert Espeña

NAITALA ng tubong Cebu na si dating International Boxing Association (IBA) super flyweight champion Bruno Escalante ang ikatlong sunod na panalo laban sa Mexican boxers matapos ang kumbinsidong panalo kay featherweight Diuhl Olguin nitong Abril 14 sa Salinas Storm House, Salinas, California sa United States.

Hindi nakaporma ang mas matangkad at mas mabigat na si Olguin sa mas mabilis na si Escalante na nakuha ang iskor ng mga hurado sa 78-73, 78-73 at 77-74.

Si Olguin ang ikatlong Mexican na tinalo ni Escalante mula nang magbalik sa ring matapos matalo sa Amerikanong si Michael Ruiz Jr. noong Hunyo 11, 2016 sa 8-round decision sa Oakland, California.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Una niyang tinalo sa puntos ang beteranong si dating world rated Alex Rangel sa Reno, Nevada, bago pinatulog sa 6th round si Javier Gallo sa sagupaan sa Brooks, California.

May rekord ngayon si Escalante na 17-3-1 na may 7 panalo sa knockouts at umaasang mapapalaban sa world rated boxer sa kanyang susunod na pagsampa sa lona.