Ni PNA

NASAKSIHAN ni Pangulong Rodrigo Duterte ang paglagda sa isang kasunduan na makatutulong sa libu-libong guro at mga non-teaching personnel upang makawala sa bigat ng mga loan at iba pang pagkakautang.

Nilagdaan ng Department of Education (DepEd) at ng Government Service Insurance System (GSIS) ang memorandum of agreement (MOA) na magpapahintulot sa mga guro at iba pang kawani ng DepEd na makapag-apply ng loan sa ilalim ng GSIS Financial Assistance Loan to DepEd Personnel (GFAL), upang maayos ang mga bayarin ng mga ito sa mga pribadong lending institution (PLIs).

“We don’t want DepEd employees to sink deep into debt, so we have proposed a better way for them to manage their finances,” sabi ni GSIS President at General Manager Jesus Clint Aranas.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Ayon kay Aranas, ang pagkakaroon ng maraming loan ng mga guro at DepEd personnel ay nagpahina sa mga ito na mabayaran ang kanilang buwanang GSIS premiums at contribution.

“Payment of their GSIS premiums and loans usually take a back seat. If the practice continues, their future GSIS benefits are bound to suffer,” ani Aranas.

Sa ilalim ng GFAL, ang mga loan ng mga kuwalipikadong miyembro sa mga private lending institutions (PLI’s) ay maaaring bayaran ng GSIS na may 6 na porsiyentong interes kada taon at may pagkakataon din ang mga ito na makapag-loan na maaari namang bayaran sa loob ng anim na taon.

Ang mga kuwalipikadong miyembro ay maaaring humiram ng hanggang P500,000 habang nasisigurado na hindi bababa sa P5,000 ang maiuuwing sahod.

Ipinagdiinan ni DepEd Secretary Leonor Magtolis Briones na ang GFAL ay boluntaryo, upang mabigyan ang mga guro at DepEd personnel ng opsiyon para mabayaran ang mga utang sa PLIs.

Sinabi din niya na masisiguro sa GFAL ang benipisyo ng mga guro at kawani ng DepEd sa GSIS.

Sa nasabing proyekto, muling ipinatupad ang DepEd Order No. 38, na inilabas noong Hulyo ng nakaraang taon, na nagtatakda ng panuntunan upang gawing prayoridad ang premium at loan payments sa GSIS.