Ni Bella Gamotea

Dumating kahapon sa bansa ang 190 distressed overseas Filipino workers (OFWs) mula sa Kuwait, kabilang ang walong menor de edad.

Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA)-Terminal 1 ang nasabing bilang ng mga OFW sakay sa Qatar Airways flight QR-934, bandang 6:15 ng umaga.

Sinalubong sila ng mga opisyal at kinatawan ng DFA at ng Overseas Worker Welfare Administration (OWWA), at pinagkalooban ng P5,000 cash assistance at panimula sa kanilang hanapbuhay.

National

Davao Oriental, niyanig ng magnitude 4.0 na lindol

Kabilang din sila sa benepisyaryo ng Balik Pinas-Balik Hanapbuhay program at micro livelihood project ng pamahalaan.

Samantala, sinabi ni DFA acting Assistant Secretary Elmer Cato na aabot sa 400 iba pang OFW ang uuwi sa bansa sa mga susunod na araw matapos makakuha ng amnesty program mula sa Kuwaiti government.

Sa datos ng DFA, nasa 4,365 OFW na ang nakauwi simula Pebrero 11, nang ipatupad ng gobyerno ang repatriation program sa Kuwait, na magtatapos sa Abril 22.