Ni Franco G. Regala

CAMP OLIVAS, Pampanga - Hindi lahat ng pulis ay masama.

Ito ang pinatunayan ng dalawang pulis- Baler nang isauli nila ang nawaglit na bag ng isang retiradong US Navy, na naglalaman ng maraming pera at iba’t ibang alahas.

Nitong Sabado ng hapon, nagmamando lamang ng trapiko sa Sitio Labasin sa Barangay Sabang, Baler, sina SPO1 Venancio Asuncion, Jr. at PO1 Juan Carlo Estacio Querijero, parehong nakatalaga sa Baler Municipal Police, nang matagpuan nila ang bag na nakasabit sa isang barikada ng kalsada.

Probinsya

69-anyos senior citizen, timbog sa iligal na droga

Nang buksan ng dalawa ang bag, natuklasan nila na naglalaman ito ng P40,000 cash, isang gold-plated wristwatch, anim na diyamante, ilang ATM cards, at mga tseke.

Nang makita nila sa loob ng bag ang calling card ng may-ari nito ay kaagad nilang tinawagan si Dr. Villamor Parilla, retiradong US Navy at doktor, at taga-Talavera, Nueva Ecija.

Nang maibalik sa kanya ang bag, nagpasalamat si Parilla sa dalawang pulis at sinabing hindi lamang maaasahan ang mga ito sa pagtupad ng tungkulin, kundi pati na rin sa paggawa ng mabuti sa kapwa.