Ni NONOY E. LACSON

ZAMBOANGA CITY - Nasabat ng Naval Forces Western Mindanao (NFWM) ang isang barkong kargado ng libu-libong sako ng Vietnam rice, sa dalampasigan ng Olutanga Island, Sibugay, na tinangka umanong ipuslit patungong Maynila, nitong Sabado ng gabi.

Sa pahayag ni NFWM Commander Rear Admiral Rene Medina, kabilang sa inaresto ang 51 Pinoy, kabilang ang isang menor de edad; 15 tripulanteng binubuo ng 11 Bangladeshi at apat na Chinese; at ang kapitan ng Mongolian registered vessel na M/V Diamond 8 na si Lin Yang Yin, isang Chinese.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Sa paunang pagsisiyasat, binanggit ni Medina na nagmula pa sa Vietnam ang nasabing barko na may kargang 27,180 sako ng bigas at nakaangkla sa isla nang masabat ng Philippine Navy.

Aniya, bago pa man maharang ang barko ay nakapag-diskarga na ito ng aabot sa 8,000 sako ng bigas sa dalawang maliliit na barkong MV Yesa Maine at MV Yousra, nitong Sabado dakong 10:00 ng gabi.

Hinila muna ang nasabing barko sa Ensign Majini Pier (EMP), Naval Station Romulo Espaldon (NSRE) sa Zamboanga City habang iniimbestigahan ang kaso.

Nauna nang natukoy sa Littora Monitoring System ng NFWM na humihingi ng tulong ang nabanggit na barko matapos takutin ng mga armadong grupo.

Ito ang naging dahilan upang ipadala ng NFWM ang kanilang Barko ng Pilipinas (BRP) Heneral Mariano Alvarez sa lugar, hanggang sa madiskubre ang tone-toneladang bigas.