Ni Bella Gamotea
Sa kulungan ang bagsak ng isang construction worker makaraang lumabag sa ordinansa at makumpiskahan pa ng hinihinalang ilegal na droga sa Pasay City, kahapon ng madaling araw.
Nakakulong ngayon sa detention cell ng Pasay City Police si Richard Singson y Medroso, 34, binata, ng 218 Remy Street, Barangay 91, sa nasabing lungsod.
Sa ulat na ipinarating ng Southern Police District (SPD), naaresto ng mga tauhan ng Police Community Precinct (PCP) Libertad ang suspek sa Remy St., sa Bgy. 91, dakong 12:30 ng madaling araw.
Nagpapatrulya ang mga pulis nang mamataan ang suspek na umiinom umano ng alak sa pampublikong lugar, kaya sinita siya.
Nang kapkapan, nakumpiska umano sa bulsa ni Singson ang isang maliit na pakete ng hinihinalang shabu, na dahilan ng kanyang pagkakaaresto.
Kinasuhan ang suspek ng paglabag sa City Ordinance No. 265 (drinking in public place) at sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 (RA 9165) sa Pasay Prosecutor’s Office.