Ni Bella Gamotea

Nakipag-ugnayan ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa Saudi Arabia authorities kaugnay ng kaso ng isang overseas Filipino worker (OFW) na kritikal ngayon sa ospital, makaraan umanong puwersahing painumin ng household bleach ng kanyang amo sa naturang bansa.

Sa isang pahayag, sinabi ng DFA na mahigpit na binabantayan ng Konsulado ng Pilipinas sa Jeddah ang kondisyon ni Agnes Mancilla, household service worker, na nasa seryoso subalit stable nang kondisyon sa King Fahad Central Hospital sa Jizan, sa timog-kanluran ng Saudi Arabia.

“We would like to assure our kababayans that we are working closely with authorities in Jizan to make sure that justice will be given to Agnes Mancilla,” ani Consul General Edgar Badajos.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Walang malay si Mancilla nang isugod sa pagamutan ng mga kapwa Pinoy nitong Abril 2.

Nang maipasok sa ospital ay kaagad na isinailalim si Mancilla sa laparotomy upang mailabas ang bleach mula sa kanyang tiyan. Nadiskubre rin ng mga doktor ang lapnos na balat sa likod ni Mancilla.

Ayon kay Badajos, binisita na ng mga opisyal ng Konsulado si Mancilla at tiniyak ng mga ito na kakasuhan ang inarestong employer nito.

Hiniling na din ng Konsulado ang ayuda ng Filipino community sa Jizan na i-monitor ang kondisyon ni Mancilla.

Nabatid na taong 2006 nang unang magtrabaho si Mancilla sa Saudi Arabia at paulit-ulit nang dumanas ng pisikal na pang-aabuso mula sa kanyang employer, na hindi rin umano siya sinusuwelduhan.