Ni Argyll Cyrus B. Geducos at Roy C. Mabasa
Nanatiling tahimik ang Malacañang sa iniulat na missile strikes na inilunsad ng United States, France, at Britain sa Syria hanggang sa matiyak na ligtas ang lahat ng mga Pilipino sa magulong bansa.
Ito ang komento ni Presidential Spokesperson Harry Roque matapos tirahin ng missiles ng magkakaalyadong bansa ang Syria nitong nakarang linggo. Kapwa ito kinondena ng Russia at China.
“Binabalanse po ng gobyerno natin yang mga ganyang mga pananaw. Pero sa ngayon po, ang number one na binibigyan ng importansya ay ang safety ng ating mga mamamayan na nasa Syria,” sinabi ni Roque sa Palace press briefing kahapon ng umaga.
“Meron po tayong mahigit kumalang mga isang libong mga kababayan doon sa Syria. So inaatupag po muna natin ang kanilang kaligtasan at tsaka na po tayo gagawa ng policy statement pagdating mismo sa issue ng pambobomba sa Syria,” dugtong niya.
Nang tanungin kung kailang magiging handa si Pangulong Rodrigo Duterte na maglabas ng pahayag, sinabi ni Roque na malapit na.
Ayon kay Roque, ang Pilipinas bilang miyembro ng United Nations at nakatali sa UN Charter, ay batid na mayroong mga batayan para sa paggamit ng puwersa.
“We are a member of the United Nations, we know the provisions of Chapter 7 of the United Nations. There is a development on the Responsibility to Protect, but right now, it’s the safety of our citizens that is a primordial importance,” aniya.
Sa kabila ng pagiging malapit ng Pilipinas sa United States, sinabi ni Roque na hindi siya nakatitiyak kung magpapadala ng tropa ang bansa sakaling humingi ng tulong ang US.
“I would not know. I have not been given information in this regard. And I would rather wait instructions from the President himself,” aniya.
Samantala, sinabi kahapon ng Department of Foreign Affairs (DFA) na handa itong tumulong sa sinumang miyembro ng Filipino community na nais umalis sa Syria at magbalik sa Pilipinas.
Patuloy na binabantayan ng DFA ang sitwasyon sa Syria matapos ang missile strikes.
Sa ngayon ay wala pang natatanggap ang Philippine Embassy sa Damascus na anumang ulat na may nasawi sa 1,000 Pilipino na nasa kabisera at iba pang lugar sa Syria.