Ni Clemen Bautista
SA kasaysayan ng bawat rehimen ng mga naging Pangulo ng iniibig nating Pilipinas, hindi maiwasan at laging nangyayari na bahagi ng pamamahala ang magkaroon ng krisis, sa kaayusan at katahimikan. Sa maruming pulitika dahil sa bangayan at iringan ng mga sirkero at payaso sa Kongreso. At higit sa lahat, ang krisis sa kabuhayan na ang latay at sugat lagi ay sa sambayanang Pilipino lalo na sa sektor ng mahihirap nating kababayan.
Isang lantay na halimbawa ang krisis sa bigas na nangyayari ngayon sa rehimeng Duterte. Ang pagkaubos ng buffer stock o imbak na bigas ng National Food Authority (NFA). Bunga nito, walang mabiling NFA rice ang mga kababayan natin sa palengke at mga outlet nito. Wala silang magawa kundi ang bumili, kahit mahal, ng commercial rice upang may maisaing at makain. Maging ang mga mahirap at busabos ay napilitan ding bumili ng kahit kalahating kilo ng commercial rice upang may mapagsaluhan ang pamilya, kahit lugaw.
Mapawi lamang ang gutom at kalam ng sikmura. Ang iba’y bahog-tubig o budbod-asin na lamang. Sa walang sapat na perang pambili ng commercial rice, noodles na lamang na sagana sa asin, vetsin at walang sustansiya ang almusal nina Nene at Totoy. Sa tanghalian at hapunan na lamang maglulugaw.
Sa pagkawala ng NFA rice, umani ng batikos at mura mula sa iba nating kababayan ang mga namamahala sa NFA. May mga mambabatas ang nagpahayag na mag-resign na umano ang namamahala sa NFA. Ang solusyon sa kawalan ng bigas ay ang pag-angkat ng tone-toneladang bigas sa mga kalapit-bansa, na ang mga farm technician ay nag-aral ng pagsasaka sa International Rice Institutre sa Los Banos, Laguna. Ang mga inangkat na bigas ay sa Mayo darating. Naibsan ang problema sa bigas nang makausap at mangako kay Pangulong Duterte ang mga dealer at negosyante ng commercial rice na magbebenta sila ng bigas sa presyong P39 isang kilo. Ngunit hindi rin nakaiwas ang ating mga kababayan sa pagiging tuso at ganid ng mga negosyante ng bigas. Nagtaas sila ng dalawa hanggang tatlong piso sa presyo ng ibang commercial rice.
Sa pagkaubos ng NFA rice, naalala ng inyong lingkod ang nangyaring krisis sa bigas ng rehimeng Diosdado Macapagal (ama ng dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo na nagkaroon din ng krisis) at ng rehimen ng diktaduryang Marcos. Sa rehimen ni Cong Dadong Macapagal, sa mga rolling store bumili ng bigas. Salop ang sukatan o takalan. Dalawang kilo at kalahati ang isang salop na bigas.
Nang matalo ni Pangulong Marcos si dating Pangulong Diosdado Macapagal, inilunsad sa pagsasaka ang MASAGANA 99. Sa isang ektarya ay aani ng 99 na kaban. Naging rice exporter ang Pilipinas. Ngunit hindi rin naiwasan na magkaroon ng krisis sa bigas. Ang Rice and Corn Administration (RCA) ay pinalitan ng NGA (National Grain Authority). Ang rasyon ng bigas ay sakay sa mga truck ng Army. Sa plasa pumipila ang mga bibili ng NGA rice. Nang lumaon, ang NGA rice ay hinaluan ng mais. Umangal ang ating mga kababayan sa umpisa. Nang lumaon ay nasanay na ring kumain ng isinaing na bigas na may halong mais. May nagsabi pa noon na kapag mais ang kinain ay may sustansiyang nakukuha na wala sa bigas. Tumitigas at lumalakas daw ang katawan tulad ng mga Cebuano na pati dila ay matigas kapag nagsasalita.
Sa rehimen ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo, nagulat ang mamamayan sa biglang pagtaas ng presyo ng bigas lalo na ang mga commercial rice. Bunga nito, ang Bigasan ni Gloria sa mga palengke (outlet ng bigas-NFA) ang dinagsa ng ating mga kababayan. May oras sa pagpila at pagbili ng bigas. May at umaga at hapon na ang haba ng pila ay parang pila ng mga batang magpe-first communion sa simbahan.
Sa nangyayaring mahabang pila sa bigas, may mga alagad ng simbahan na nagpayo na maglaga na lamang ng kamote.
Masustansiya at mura ang isang kilo ng kamote. Hindi na problema ang ulam. Ang problema, matapos kumain ng kamote, hindi maiwasan na may marinig na parang ringtone ng cellphone sa iyong puwitan. Malakas man o mahina ang ringtone, magtatakip ng ilong ang nakarinig at nakaamoy sa inihatid na hangin ng ringtone. Ang iba’y nangingiti na lamang at look na lang sa sky sa narinig na tila naipit na tunog.
Sa nangyayari ngayong kakapusan sa NFA rice, marami ang umaasa at nagdarasal na malutas ang problema ng rehimeng Duterte. Huwag sanang mangyari na dahil sa walang mabiling murang bigas, ang iba nating kababayan lalo na ang mga mahihirap, ay mapilitan na lugaw at kamote na lamang ang kainin upang mapawi ang gutom at kalam ng sikmura. Ang bigas, mura man o mahal ang isang kilo nito, ay mukha ng hirap at ginhawa ng mga Pilipino.