PITONG taon na ang nakalilipas nang sumiklab ang digmaan sa Syria. Sa tala ng United Nations (UN), mahigit 400,000 na ang nagbuwis ng buhay sa labanan. Milyun-milyon ang lumikas patungo sa ibang mga bansa, na karamihan ay sa Europa, bitbit ang pag-asang muli silang makapagsisimula ng bagong buhay.
Napanatili ni Syrian President Bashar al-Assad ang kanyang kapangyarihan hanggang sa ngayon sa tulong ng puwersa ng Russia. Hindi nagkakaisa ang mga rebelde, at kadalasang nagbabakbakan laban sa isa’t isa. Kasama rito ang Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) na nagnanais na makapagtatag ng Islamic caliphate sa bahaging iyon ng daigdig.
Mayroon ding alyansa ng mga militia na suportado naman ng Amerika. May ilan pang grupo na nahahati naman sa sekta at lahi.
Pinangangambahan na higit pang titindi ang digmaan sa Syria, lalo at matindi ang bangayan ngayon sa pagitan ng Russia at Amerika, dahil sa ginawang pambobomba ng Amerika, katuwang ang United Kingdom at France, sa tatlong gusali sa Damascus na gumagawa at pinag-iimbakan ng chemical weapons na ginamit umano ng gobyerno ng Syria sa pag-atake sa mga rebelde sa Douma, sa silangang bahagi ng Ghouta, na pumatay sa halos 60 katao, kabilang ang maraming bata, at ikinasugat ng mahigit 1,000 iba pa.
Itinanggi ng Syria at ng kaalyado nitong Russia ang ulat ng World Health Organization tungkol sa poison gas attack, at sinabing ito’y “planado”. Nang ihayag ni US President Trump ang pagpapaulan ng missile sa Damascus, sinabi ng Russia na kokontrahin nito ang hakbangin sa pamamagitan ng pagpapakawala ng sariling mga missile ng Russia. Sinabi ni Russian President Vladimir Putin na umaasa siya na mamamayani ang “common sense”, ngunit tinutulan ito ni Trump at sinabing: “You should not be partners with a gas-killing animal who kills his people and enjoys it.”
Nagpakawala ng daan-daang missile ang mga eroplano ng Amerika, Britain at France upang wasakin ang chemical weapons plant ng Damascus nitong Biyernes, habang sinisigurong hindi makikialam ang Russia, na tumutulong sa Syria. Ngunit ang palitan ng mga banta ay maaaring mauwi sa palitan ng pambobomba sa pagitan ng dalawang nuclear power sa mundo.
Noong mga panahong payapa pa ang Syria, ipinagdiwang ng bansa ang araw na ito, Abril 17, bilang Evacuation Day, na itinuring na virtual na Independence Day, upang ipagdiwang ang paglisan ng huling sundalong Pranses sa lupain ng Syria noong 1946. Sa nasabing araw ay nagsasama-sama ang iba’t ibang grupo—ang mga Sunni at Shia, Kristiyano, Alawite, Kurd at iba pa—sa pagtataas ng watawat ng Syria sa Damascus.
Subalit nagpapatuloy pa rin ang digmaang sibil. Ang mamamayang nananatili sa Syria at hindi pa lumilikas para magsimula ng panibagong buhay sa Europa, ay patuloy na namamatay sa mga pambobomba. At ngayon naman ay nagbanta ng missile attack ang Amerika at Russia laban sa isa’t isa. Nagbabala ang UN sa dalawang makapangyarihang bansa na palulubhain lamang ng mga ito ang krisis.
Dapat na magkaisa sa solusyon ang UN at mga pinuno ng mga bansa sa mundo — partikular ang sa Amerika at Russia.
Higit sa anuman, mahalagang makasumpong sila ng mga paraan upang mapahupa ang digmaang sibil na pitong taon nang nananalasa, at mistulang walang senyales na uusad patungo sa kapayapaan.