Ni DENNIS PRINCIPE

HANDA na si one-time world champion Marvin Sonsona na ibalita and kaniyang pagbabalik aksyon sa pakikihalubilo sa mga dating kaibigan at kakilala sa kanyang pagdalo sa katatapos na Gabriel “Flash” Elorde awards night.

MASAYA sa kanyang bagong hangad na boxing career si Marvin Sonsona (kaliwa) kasama sina London Olympian Mark Anthony Barriga (gitna) at AJ ‘Bazooka’ Banal sa kanilang pagdalo sa Gabriel ‘Flash’ Elorde Memorial Awards kamakailan sa Okada Hotel, Pasay City.

MASAYA sa kanyang bagong hangad na boxing career si Marvin Sonsona (kaliwa) kasama sina London Olympian Mark Anthony Barriga (gitna) at AJ ‘Bazooka’ Banal sa kanilang pagdalo sa Gabriel ‘Flash’ Elorde Memorial Awards kamakailan sa Okada Hotel, Pasay City.

Suot ang isang magarbong coat at pantalon pagdating sa pintuan ng venue sa Okada Hotel sa Pasay City, sinalubong ang grupo ni Sonsona nang dalawang babae na nangangasiwa sa guest list. Kaagad naman niyang ibinigay ang pangalan nang tanungin. Ngunit, bahagya siyang nagulat sa naibulalas ng dalawang binibini.

Karl Eldrew Yulo, pamilya raw pinakamagandang regalong natanggap

“Sir, wala pangalan ninyo dito, sorry hindi kayo puwedeng pumasok,” sambit ng isa sa dalawang babae.

Nagulat siya sa katotohanang wala ang kanyang pangalan sa listahan gayung isa siyang dating world champion.

“Bakit wala pangalan ko, dati akong world champion eh?”, sambit ni Sonsona.

Mabuti na lamang at kasama noon ni Sonsona ang manager at trainer na si Joven Jimenez, siya ring humahawak sa career ng current toast ng Philippine boxing na si world superflyweight kingpin Jerwin Ancajas.

“Ako na ang nagpapasok sa kaniya pero sa totoo lang, maganda na nangyari sa kaniya ‘yun,” kuwento ni Jimenez.

“Sabi ko challenge sa kaniya ‘yun kasi parang nakalimutan na siya ng tao. Nasa sa kaniya na kung pagbubutihin niya ang ensayo para makabalik sa dati niyang estado.”

Gumawa ng ingay si Sonsona noong September 2009 nang sa edad 19 ay naging ikalawang pinakabatang world boxing champion ng bansa sunod kay Olongapo-born at former world super lightweight champion Morris East.

Ito’y matapos niyang mapanalunan ang WBO 115-lb crown via decision kontra Puerto Rican Jose “Carita” Lopez sa kanilang 12-round bout na ginanap sa Canada.

Maituturing man niya itong blessing, aminado si Sonsona na ang pagiging world champion sa murang edad ay hindi nakatulong bagkus nagdulot ng pagkakamali na naging daan sa mabilis na pagsadsad ng kaniyang career.

“Totoo ‘yun, mas maraming hindi magandang nangyari kaysa sa maganda, kasi yun nga isip bata pa ako, kasi mahilig pa ako sa party, ganun,” pag-amin ni Sonsona.

“Ang pagkakamali ko kasi hindi ko napaghandaan na ganun pala mangyayari. Pero ngayon dalawa na anak ko, ibibigay ko na talaga 100% ko sa mga laban ko.”

Isa si Sonsona sa mga sinasabing mga boxers na binabalewala pero may nais patunayan na nagsasama-sama ngayon sa Survival Camp gym ni Jimenez sa Magallanes, Cavite.

“Kahit may sarili siyang kwarto sinabi ko sa kaniya na mas maganda siya na muna mag-isa dun. Pina-uwi niya muna asawa niya kasi gusto niya daw mag-focus,” pahayag ni Jimenez “Sumasabay siya sa mga boxers, kaniya-kaniyang linis.

Kaniya-kaniyang asikaso sa kailangan nila.”

Tutungtong sa edad 28 sa darating na July 25, nakatakdang magbalik aksiyon si Sonsona -- dalawang taon at 11 buwan -- matapos ang kaniyang huling laban, isang 10-round majority decision victory laban kay journeyman Jonathan Arellano sa StubHub Center, Carson, California.

“Sa 140 (super lightweight) muna ako lalaban hanggang sa makuha ko yung ideal weight ko talaga na 130lbs,” ani Sonsona. “Matagal ako nawala kasi premature yung baby ko kaya nagtulong muna kami mag-asawa na alagaan ‘yung bata.”

Isang karibal mula sa Thailand ang tinitignan ni Jimenez bilang comeback foe ni Sonsona para sa kaniyang May 13 promotions sa Skydome sa SM North na pagbibidahan naman ni Olympian Mark Anthony Barriga kontra Gabriel Mendoza ng Colombia sa isang 12-round world title eliminator.

“Walang ibang dahilan kung bakit ako nawala kungdi yung sitwasyon lang ng anak ko,” giit ni Sonsona. “Maski sa GenSan, kahit ipagtanong ninyo, hindi ako nagyabang. Wala silang masama na masasabi sa akin.”

Tiwala naman si Jimenez na ilang laban lamang ang kakailanganin ni Sonsona bago ito makabalik bilang world title contender.

“Kung magseryoso siya sa ensayo, dalawa o tatlong laban lang pwede na ‘yan sa world title,” ani Jimenez “Hindi na kailangan ng maraming tune-up kasi dati na siyang world champion.”