Ni Martin A. Sadongdong

Naging madamdamin ang pamamaalam ni outgoing Philippine National Police (PNP) chief Director General Ronald “Bato” dela Rosa nang dumalo siya sa huli niyang flag-raising ceremony sa Camp Crame, kahapon.

Napaiyak si dela Rosa habang nagsasalita sa harap ng daan-daang pulis na dumalo sa nasabing seremonya, kung saan pinasalamatan niya ang mga tauhan ito sa nakalipas na 21 buwan niyang paglilingkod bilang pinuno ng pulisya sa bansa.

Sa Abril 19 opisyal nang magreretiro si dela Rosa.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

“The last 21 months of the PNP was a roller coaster ride pero more on up bihira ‘yung down. We fall down seven times but we get up eight times,” pahikbi-hikbing pahayag ni dela Rosa.

Tinukoy din niya ang malaking ambag ng inilunsad nilang anti-illegal drugs campaign, partikular na ang Oplan High Value Target (HVT), noong Disyembre 5, 2017.

Hanggang nitong Abril 13, 2018, aniya, ay nakaaresto ang PNP ng 19,086 drug suspect habang 207 naman ang napaslang sa 12,032 operasyon ng pulisya laban sa droga.

Sa ilalim din, aniya, ng Oplan Tokhang na muling inilunsad nitong Enero 29, 2018, napasuko nila ang kabuuang 8,081 na sangkot sa droga.

Tiniyak din ni dela Rosa na iiwan niya ang PNP na malapit sa mamamayan at madaling lapitan ng taumbayan.

“Kung paano ko pinalapit ang PNP sa ordinaryong mamamayan, iyan ang gusto kong maiwan na legacy. Ang ordinaryong mamamayan walang takot na lumapit kahit sa Chief PNP, the highest of the PNP. Kung wala silang alinlangan na lumapit sa akin, what more sa mga patrolling police?” sabi pa ni dela Rosa.