Ni Gilbert Espeña

NGAYONG isa na lamang ang kampeong pandaigdig ng Pilipinas matapos bitiwan ni Donnie Nietes ang IBF flyweight crown, buo ang tiwala ni Michael Dasmarinas na tatalunin niya si Karim Guerfi ng France upang maging IBO bantamweight titlist sa kanilang sagupaaan para sa bakanteng korona sa Abril 20 sa Singapore City, Singapore.

“Sisikapin ko pong manalo laban kay Guerfi para sa ating bansa,” sabi ni Dasmarinas sa Balita. “Alam ko pong mahusay si Guerfi dahil siya ang kampeon ng buong Europa pero nasa kondisyon po ako para makipagsabayan sa kanya.”

Kapag na-upset ni Dasmarinas si Guerfi, malaki ang pag-asa niyang umangat sa top 5 rankings ang WBC na nabakante ng korona nang mag-overweight ang dating kampeon na si Luis Nery ng Mexico.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Umangat si Guerfi bilang No. 3 contender sa WBC bantamweight division samantalang nanatili si Dasmarinas na No. 12 sa rankings kaya malaki ang mawawala sa Frenchman kung tatalunin ng Filipino boxer.

“Pipilitin ko pong manalo kasi pambihirang dumating ang ganitong pagkakataon,” dagdag ni Dasmarinas. “Kung mananalo po ako, dalawa na kami ni IBF super flyweight champion Jerwin (Ancajas) na kampeon ng Pilipinas.”

May rekord si Dasmarinas na 27 panalo, 2 talo na may 18 pagwawagi sa knockouts kumpara kay Guerfi na may kartadang 26 panalo, na may 8 pagwawagi lamang sa knockouts.