Ni Dave M. Veridiano, E.E.
MATAGAL na akong nakaririnig ng mga reklamo laban sa mga pulis ng Manila Police District (MPD)-Station 9 sa Malate, Maynila ngunit ‘di ko agad napagtuunan ng pansin dahil halos kapareho lang ng mga reklamong natanggap ko laban sa iba pang istasyon ng pulis sa buong Maynila, na naging laman din ng iba’t ibang pahayagan.
Naging interesado lang ako sa “notorious” na istasyong ito ng MPD nang makatanggap ako ng after operation report nitong Sabado, hinggil sa pagkakaaresto ng apat na aktibong pulis ng MPD-Station 9, na nabuslo sa entrapment operation ng magkasanib na puwersa ng National Bureau of Investigation (NBI) at Counter-Intelligence Task Force (CITF).
Ang apat na pulis na kinilalang sina SPO3 Ranny Litonjoa Dionisio; PO3 Richard Osorio Bernal; PO1 Elequiel Jeric Fernandez at PO1 Arjay Lastricia Lasap, pawang nakatalaga sa Intelligence Section ng MPD-Station 9, ay nahuli sa aktong kinikikilan umano ang isang Egyptian na “nahulihan” nila ng ilegal na droga noong Abril 9, sa pangakong pakakawalan kung magbibigay ng P200,000 na kalaunan ay bumaba sa P50,000.
Ayon sa isang operatiba ng NBI, mukhang HULIDAP ang nangyari at 10 armadong lalaki ang kasama sa pangongotong, subalit apat lang ang lumutang sa loob ng isang convenience store sa Malate, na napagkasunduang pagbabagsakan ng pera kapalit ng kalayaan ng Egyptian.
May mga ongoing operation ang NBI-CITF upang makahon ang anim pang armadong kasama ng apat na naaresto.
Matagal nang inirereklamo ang istasyong ito dahil tila kinukunsinti umano ng kumander nito, si Superintendent Eufronio Obong, ang kanyang mga tauhan at madalas na nagtataingang kawali sa mga sumbong na natatanggap… Baka naman “patrabaho” niya ang operasyon ng mga bata niya?
Hindi ako nagtataka sa alegasyon. Noon pa man ay isa sa itinuturing na MINA – lugar na maraming puwedeng pagkakitaan ang mga pulis – ang police station na nasa distrito ng Malate sa Maynila, kaya ‘di kataka-takang ang mga pulis na nakatalaga rito’y sanay sa KOTONGAN. Ito ang pare-parehong reklamo ng mga motorcycle rider na madalas dumaan sa lugar: “Ninenerbiyos kaming dumaan sa mga checkpoint sa kanilang lugar. Ultimo wallet namin binubulatlat, ‘di namin malaman kung ano ang hinahanap!”
Alam kong nakararating ang lahat ng sumbong at reklamong ito kay MPD district director Chief Superintendent Joel Napoleon Coronel, ngunit nakapagtatakang tila sobrang malakas sa kanya ang COP ng Station 9 at ‘di niya ito masibak at sa halip ay ipinagtatanggol pa – ‘di ba mister NPC President Paul M. Gutierrez?
May narinig din akong kuwento noon pa, na naging biktima rin ng mga “mababait at masisipag” na pulis ng Station 9 ang dati naming kasamang reporter na si Joel Egco, na ngayon ay undersecretary at executive director ng Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS). Matitindi talaga at walang pinipili ang mga LESPU SA MPD-Station 9 basta pagkakapitsaan ang usapan!
Paalala ko lang sa mga DISTRICT DIRECTOR dito sa Metro Manila – sa pag-upo ni Dir. Oscar David Albayalde bilang hepe ng PNP – siguradong sa ayaw at sa gusto ninyo, gagalaw kayo sa ang inyong mga puwesto. May aakyat at magiging NCRPO chief, may malilipat sa ka-level na posisyon o ibang distrito, at may magpapahinga muna (floating).
Ang gawi at pag-uugali ng iiwan ninyong mga tauhan, ang SASALAMIN sa CHARACTER ng kanilang mga naging pinuno – “Sa bunga makikilala ang puno!”
Mag-text at tumawag sa Globe: 0936-9953459 o mag-email sa: [email protected]