Ni Jun Fabon

Nalagutan ng hininga ang isang pulis makaraang masagi ng kotse ang minamanehong motorsiklo sa Quezon City, nitong Sabado ng umaga.

Binawian ng buhay sa PNP General Hospital si PO3 Nasrudin L. Banto, nasa hustong gulang, nakatalaga sa PSPG sa Camp Crame, dahil sa matinding pinsala sa ulo at katawan.

Agad namang sumuko ang driver ng kotse na si Jacquiline Go Yu, 35, ng No. 80 Dapitan Street, Barangay Lourdes ng nasabing lungsod.

National

Occidental Mindoro, niyanig ng 4.0-magnitude na lindol

Sa inisyal na imbestigasyon ng Quezon City Police District (QCPD) Traffic Sector 3, naganap ang aksidente sa tapat ng Variant Security Training Center, na matatagpuan sa Col. Boni Serrano Avenue, malapit sa kanto ng 3rd Ave., sa Bgy. Bagong Lipunan, dakong 6:25 ng gabi.

Sakay umano sa Honda motorcycle (1724-TF) si PO3 Banto, at habang binabagtas ang kahabaan ng Col. Boni Serrano mula sa southbound EDSA at patungong 3rd Ave., nabangga siya ng Honda City (EO U006) ni Yu.

Sa lakas ng pagkakasalpok, tumilapon ang pulis at bumagsak sa windshield ng sasakyan ni Yu at tuluyang bumagsak sa semento.

Nakapiit ngayon si Yu sa Traffic Sector 3 at nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to homicide and damage to property sa QC Prosecutor’s Office.