Ni Clemen Bautista

MATAPOS ipagpaliban ng dalawang beses ang Barangay at Sangguniang Kabataan elections, matutuloy na rin ang nasabing halalan. Batay sa itinakdang araw ng Commission on Elections (Comelec), ang petsa ng halalan ay sa darating na ika-14 ng Mayo, 2018. At nitong Abril 14, bilang paghahanda sa nabanggit na eleksiyon, sa pamamahala ng Comelec, ang mga opisyal ng barangay na hindi pa tapos ang panunungkulan, ang mga may ambisyon na maging opisyal ng barangay gayundin ang mga kabataan ay naghain ng kani-kanilang certificate of candidacy (COC). Naging masaya ang paghahain ng COC sapagkat ang mga wannabee ay sinamahan ng kanilang mga tagasuporta. Nakasuot ng T-shirt na may pangalan ng kakandidatong kanilang sinusuportahan. Bawat kandidato ay may sariling kulay ng T-shirt. Sa paghahain ng COC, may mga lugar na naging mapayapa at may mga lugar din na iniulat na nagkaroon ng gulo, lalo na sa mga barangay na nasa malalayong bayan at lalawigan. At sa simula ng paghahain ng kandidatura, ang Comelec at ang Philippine National Police (PNP) ay nagpatupad ng gun ban. Nagsagawa na rin ng mga checkpoint sa gabi.

Kapansin-pansin din na sa paghahain ng COC na may barangay sa mga bayan na halos apat hanggang lima ang naghain ng COC sa Comelec. Ang nasabing mga barangay na nasa bayan ay malaki ang kita sapagkat maraming business establishment at mga pabrika. May nagsasabing kaya marami ang kumandidatong kapitan at mga kagawad ng barangay ay dahil malaki ang kanilang suweldo.

May mga barangay din sa mga bayan na dahil sa mahusay na perfomance ng incumbent barangay captain, walang naghain ng COC. Ang katwiran, mahirap labanan ang isang mahusay na barangay chairman. Aksaya lamang umano ng panahon at pera kung magpapatuloy sa paglaban. Ngunit may mga barangay din sa ibang bayan na kahit alam nilang malakas ang incumbent barangay official, naghain pa rin ng COC. Katwiran naman: kung walang kalaban ang incumbent, parang patay ang demokrasya.

Matapos ang paghahain ng COC, magsisimula na ang pangangampanya ng mga kandidato. Mapapansin na ang mga kandidato sa barangay ay hindi nalalayo sa sistema ng mga sirkero at payaso sa pulitika. Makukulay ang mga tarpaulin na isinasabit sa mga istratehikong lugar sa barangay. Namimigay ng mga T-shirt na may pangalan at mukha ng kandidato.

May mga tarpaulin na nakasabit sa likod ng mga tricycle. May nagsasagawa rin ng house to house campaign. May nagpupunta sa mga lamay sa barangay. Nakikiramay sa namatayan at nag-abot ng konting halaga. May nagpapadala rin ng mga bulaklak.

Marami ang umaasa na magiging maayos ang kampanya ng mga wannabe sa Barangay at SK. Maiiwasan ang batikusan na karaniwang ginagawa ng mga sirkero at payaso sa pulitika. Mangingibabaw ang kahinahunan ng mga wannabe sa barangay.

Sa nalalapit na eleksiyon, marami rin ang umaasa na mapapalitan ang mga bugok at corrupt na mga opisyaal ng barangay na halos isuka at isumpa ng kanilang mga nasasakupan. Mapapalitan ng matino, matalino, may integridad at maaasahan sa mahusay na pamamahala. Gayundin ang mga bumubuo ng Sangguniang Kabataan.

Ang barangay ang itinuturing na basic unit ng pamahalaan. Ang mga barangay chairman, chairwoman, kapitan ang unang nakakaalam ng mga problema at pangangailangan sa barangay. Sa kalusugan, sa pangangalaga sa kaayusan at katahimikan, waste management, problema sa droga at iba pa. Namamagitan sa away ng kanilang constituent. Sa sipag, tiyaga, pagkakaroon ng sistema sa pamamahala ng mga opsiyal ng barangay, mahusay na napaglilingkuran ang barangay.

Hindi sana magkamali sa pagpili ang mga kababayan natin.