Ni Argyll Cyrus B. Geducos
Inihayag ng Facebook noong nakaraang linggo na makikipagtulungan ito sa mga online news agency na Rappler at Vera Files para sa third-party fact-checking program ng social media giant sa Pilipinas upang maiwasan ang pagpapakalat ng mga maling impormasyon sa Facebook.
Kapwa sinertipikahan ng Facebook ang Rappler at Vera Files sa pamamagitan ng non-partisan na International Fact- Checking Network para magsuri ng mga balitang ina-upload sa Facebook, i-double check ang mga impormasyon, at bigyan ng rate ang katotohanan sa likod ng nasabing mga balita.
KONTRA FAKE NEWS
“Partnering with third-party fact-checking organizations is one of the ways we hope to better identify and reduce the reach of false news that people share on our platform,” sabi ni Clair Deevy, Facebook Director for Community Affairs for Asia Pacific. “With our shared goal of keeping the online space free from false information, we want to help Filipinos be more discerning of news they read online, and make them aware of the real life consequences of spreading falsehoods.”
Gayunman, hindi nagustuhan ng mga tagasuporta ng Pangulo, o ang mga ka-DDS, ang nasabing pahayag ng Facebook.
Matagal nang binabatikos ng mga ka-DDS ang Rappler sa pagpapakalat umano ng fake news tungkol sa Presidente.
‘UNCENSORED TRUTHS’
Dahil dito, hinimok ni Paula Defensor-Knack, kapatid ng yumaong senador na si Miriam Defensor-Santiago, ang mga tagasuporta ni Duterte na gumawa ng kani-kanilang account sa VK at i-deactivate na ang kanilang Facebook accounts upang matiyak na makakukuha ng “uncensored truths”.
Ayon kay Knack, kabilang sa mga Duterte support group na maglilipatan sa VK mula sa Facebook ang Pres. Rody Duterte International, Paula Defensor Philippine Group, Pres. Rody Duterte Facebook Army, Duterte Kami ang Media Mo, Die-Hard Fans of Miriam Defensor Santiago, Paula Defensor and Friends, at Paula Defensor Philippine News and Global Supporters.
“Do not let Yellows censor or fact-check you. Let’s leave them to talk to themselves and get votes,” sabi ni Knack, tinukoy ang mga kritikal sa Pangulo. “We will tell the world what is truth in another platform—this time, in Europe!”
Nagbanta rin ang singer at Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) executive na si Jimmy Bondoc na aalis na siya sa Facebook at maglulunsad ng petisyon upang i-delete ang Facebook.
Kasabay nito, pinuri naman ni Senator Bam Aquino ang Facebook sa hakbangin nito upang tuluyan nang matigil ang pagkakalat ng fake news sa social media.
DATA BREACH
Naging kontrobersiyal ang Facebook sa nakalipas na mga linggo dahil sa data breach sa 87 milyong user nito, na ang mga personal na impormasyon ay kinolekta ng political consulting firm na Cambridge Analytica simula 2014, para impluwensiyahan ang opinyon ng mga botante sa eleksiyon sa Amerika noong 2016.
Humingi na ng paumanhin ang Facebook founder na si Mark Zuckerberg, samantalang inatasan na ng National Privacy Commission ng Pilipinas ang Facebook na magbigay ng detalye kung paanong nailagay nito sa alanganin ang mga personal na impormasyon ng 1.18 milyong Pinoy na Facebook user.