Ni PNA
NAHIKAYAT ng Technical Education Skills Development Authority (TESDA) ang 4,519 na katao na magparehistro sa apat na araw na national Technical Vocational Education and Training (TVET) ng Technical Education Skills Development Authority (TESDA) sa Cordillera.
Umabot naman sa 929 na aplikante ang nais maging sertipikadong magsasaka, partikular sa agricultural crop production, organic agriculture production, production of organic concoction and extracts, organic vegetable production, at organic Arabica coffee production.
Isinagawa ang TVET enrollment noong Pebrero 27-28 at Abril 5-6 sa pitong probinsiya ng Cordillera Administrative Region; ang Kalinga, Abra, Apayao, Ifugao, Benguet, Mountain Province, at Baguio City.
Sinabi ni TESDA Regional Director Efren Piñol na dumoble ang bilang ng mga aplikante na nais kumuha ng sertipikasyon sa agricultural production.
“Maybe, they see a future in agricultural production, which is common in the Cordillera and they trust the TESDA program,” aniya.
Nabanggit din ni Piñol na sinusuportahan din ng TESDA ang sektor ng agrikultura sa pamamagitan ng mga pagsasanay at pakikipagtulungan nito sa Department of Agriculture (DA).”The DA is also giving focus on its programs in organic farming,” sabi niya.
Dagdag pa niya, inaayos na ng TESDA ang kasunduan sa DA at Agricultural Training Institute (ATI), upang makapagpatayo ng mas maraming farm school. Sa kasalukuyan, mayroong dalawang akreditadong organic farming schools sa bansa na nagbibigay ng organic agriculture production education.
Sa pagbisita naman ni TESDA Secretary Guiling Mamondiong sa Baguio City, nilinaw niya na ang TESDA scholarship ay para sa lahat.
Ipinaalam din niya na dahil sa kagustuhan ni Pangulong Rodrigo Duterte na maiangat sa kalagayan ng Indigenous Peoples (IPs), nilagdaan ng TESDA ang isang memorandum of agreement sa pagitan ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) upang bigyang prayoridad ang IP’s na nais magsanay para sa pagtatrabaho o pagtatayo ng negosyo.
Siniguro rin ni Mamondiong na kahit ang mga nasa malalayong komunidad ay maaaring makatanggap ng tech-voc scholarships sa pamamagitan ng mga barangay na kaagapay ng TESDA .
Aniya, patuloy ang ahensiya sa pagpapatayo ng mga community tech-voc schools, bukod pa ito sa mga pribadong institusyon na akreditado ng TESDA.