Ni MARY ANN SANTIAGO

Patay ang isang construction worker nang hatawin ng matigas na bagay sa ulo ng sarili nitong biyenan dahil sa pag-aaway sa sustento sa Pasig City, kamakalawa ng gabi.

Hindi na umabot nang buhay sa Amang Rodriguez Memorial Medical Center si Michael Pacurib, 28, ng 43 Sergeant De Leon Street, Barangay Santolan ng nasabing lungsod, na nagtamo ng matinding pinsala sa ulo.

Samantala, pinaghahanap na ng awtoridad ang suspek na si Zosimo Nelvida, 60, sa naturang lugar.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Sa isinumiteng ulat ni PO1 Oliver Baquiran kay Pasig City Police chief, Senior Supt. Orlando Yebra, Jr., naganap ang insidente sa Sergeant De Leon St., dakong 9:00 ng gabi.

Sa pahayag sa pulisya ng kapatid ng biktima, si Jenita Pacurib, nag-uusap ang biktima at ang suspek na nauwi sa pagtatalo at hinataw ni Nelvida sa ulo si Michael.

Agad humingi ng tulong si Jenita sa mga kapitbahay upang isugod sa ospital ang kapatid, habang nakatakas ang suspek bitbit ang ipinanghampas sa biktima.

Ayon kay PO1 Baquiran, nagpunta ang suspek sa bahay ng biktima upang humingi ng sustento para sa dalawang apo, na mga anak ni Michael at nasa pangangalaga ng suspek, matapos iwanan ng misis nito sa kanilang paghihiwalay.

“Umalis daw ‘yung anak ng suspect at iniwanan sa matanda ‘yung dalawang anak n’ya na pawang menor de edad kaya s’ya na nagtataguyod dito, hindi raw nagbibigay ng sustento ‘yung biktima kaya hiningan nung suspect at doon nagmula umano ‘yung pagtatalo nilang magbiyenan,” ayon sa imbestigador.

Ikinagalit umano ng suspek ang pagtanggi ng biktima na magbigay ng suportang pinansiyal sa mga bata, kaya nagdilim ang paningin nito.