Ni Leslie Ann Aquino at Mina Navarro
Hindi matutuloy ang pakikipagpulong ni Pangulong Duterte sa mga labor group ngayong Lunes, Abril 16.
Sinabi kahapon ni Department of Labor and Employment (DoLE) Undersecretary Joel Maglunsod na ipinaalam sa kanila ng Office of the President na hindi matutuloy ang pulong na itinakda ngayong Lunes.
Hindi naman tinukoy ni Maglunsod ang dahilan kung bakit nakansela ang pulong.
Una nang nagpahayag ng pag-asam si DoLE Secretary Silvestre Bello III na lalagdaan na ng Pangulo sa itinakdang pulong ngayong Lunes ang Executive Order na nagtatakda ng direct hiring sa mga empleyado bilang pangkalahatang pamantayan sa trabaho, upang tuluyan nang matuldukan ang ilang dekada nang malawakang contractualization o endo (end of contract).
Una nang sinabi ni Michael Mendoza, national president ng Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP) at chairman ng Nagkaisa Labor Coalition, na natanggap na ng Pangulo ang tatlong kopya ng EO matapos ang walong oras na deliberasyon ng mga pinuno ng ALU-TUCP, Nagkaisa, at Kilusang Mayo Uno (KMU), kasama si Bello at iba pang matataas na opisyal ng DoLE.
Kahapon, sinabi ni Rene Magtubo, tagapagsalita ng Nagkaisa, na ang pagkansela sa pulong ay senyales na nagdadalawang-isip ang Pangulo na lagdaan ang nasabing draft ng labor groups.
Sinabi naman ni KMU Chairman Elmer Labog na nagpapakita lamang ito na hindi seryoso si Duterte sa pagpapatibay sa EO na magbabawal sa endo.