Ni Jerry J. Alcayde

CALAPAN CITY, Oriental Mindoro - Tinukoy na ng militar ang mga lugar na posibleng election hotspot sa Oriental Mindoro, dahil sa presensiya at impluwensiya ng New People’s Army (NPA).

Sa panayam, sinabi ni Lt. Col. Dennis Gutierrez, commander ng 4th Infantry Battalion (IB) ng Philippine Army (PA), na malaki ang posibilidad na mamataan na naman ang grupo ng mga rebelde sa mga barangay ng Hagan at Lisap sa Bongabong, Panaytayan sa Mansalay, at Binli sa Bulalacao dahil na rin sa election period.

Pinagbatayan ni Gutierrez ang natanggap niyang report sa huling apat na buwan ng nakaraang taon, kung saan tinukoy na madalas nang makita ang mga kaanib ng kilusan sa mga nabanggit na lugar upang mangolekta ng revolutionary tax at bayad sa pagbibigay nila ng permit upang makapangampanya ang mga kandidato.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Hiningi na rin, aniya, ng militar ang tulong ng pulisya sa nasabing mga lugar upang matiyak ang kapayapaan at kaayusan sa pagsasagawa ng halalan sa lalawigan.