Nina GENALYN D. KABILING at MARTIN A. SADONGDONG
Sa 10-point danger scale, nabawasan na ang problema sa droga ng bansa at nasa 6 na mula sa 8.5 level ngunit hindi pa rin ito kayang wakasan sa panahon ng kasalukuyang administrasyon, ito ang inamin ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte kamakailan.
Sinabi ng Pangulo na mahabang laban ang kampanya kontra droga kahit na suportado niya ang pagsisikap ng law enforcement para maibaba sa zero ang danger level.
“I will address the public by just saying that I told the Congress of the Republic of the Philippines that ang droga in a scale of one to 10, the danger level is something like until now almost six. It used to be about eight and one half. Ngayon, pababa six but hindi pa kontrolado ng gobyerno ang trade sa droga,” sinabi ni Duterte sa press conference kamakailan sa Davao City.
“My job is to see to it that there is no scale to use the danger of drugs kung maaari lang zero. Kung maabot ko ‘yung ambisyon na zero and it could cost you your life or your liberty for that matter because the police and military will be active against you. It’s the plain law enforcement,” dagdag niya.
Gayunman aminado si Duterte na maaaring matapos na ang kanyang panguluhan ngunit hindi pa rin nabubura ang narcotics trade at binalaan ang kanyang magiging kapalit na maghanda sa pagharap sa problema. Magtatapos ang anim na taong termino ng Pangulo sa 2022.
“It’s gonna be a long fight. It will transcend my presidency. And the next president has to deal with it eyeball-to-eyeball whether he likes it or not. The motivation there is profit,” ani Duterte, na naglunsad ng kontrobersiyal na kampanya laban sa illegal drug trade.
REAL NUMBERS
Samantala, nilinaw ng Philippine National Police (PNP) na patuloy na makatatanggap ng updates ang publiko sa anti-illegal drugs campaign ng pambansang pamahalaan.
Tiniyak ni Chief Superintendent John Bulalacao, PNP spokesperson, na mananatili silang transparent sa mga detalye ng Oplan Double Barrel Reloaded, kabilang ang dalawang pangunahing operasyon na tinatawag na Oplan HVT (High-Value Target) at Oplan Tokhang (Knock and plead).
Gayunman, ikinatwiran niya na kailangang tumugma ang inilabas na datos PNP sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), na siya na ngayong nangunguna sa drug war, para maiwasang malito ang publiko.
“We did not stop giving updates but there’s a guidance from Malacanang to make sure that the data we are releasing should be the exact data that we are getting to avoid conflict,” ani Bulalacao nang tanungin kung bakit huminto ang PNP sa pagbibigay ng updates sa drug war.
Sinabi rin niya na ang PDEA ang inatasang panatilihin ang impormasyon ng gobyerno sa pagtugis laban sa illegal drugs sa pamamagitan ng #RealNumbersPH.
Batay sa ulat mula sa iba’t ibang law enforcement agencies ipinakita na sa datos nitong Abril 1, 2018, may kabuuang 4,128 katao ang napatay sa drug war simula nang ito ay ilunsad noong Hulyo 2016, habang 130,271 ang inaresto. Ang Oplan Tokhang ay nagresulta din sa pagsuko ng 1.3 milyong drug suspects, ayon sa PNP.