Ni Jun N. Aguirre
BORACAY ISLAND, Aklan - Nangako ang pamahalaang lokal ng Malay, Aklan na tuluy-tuloy ang magiging rehabilitasyon ng isla ng Boracay kahit pa idaraos ang Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections sa Mayo 14.
Nilinaw ni Rowen Aguirre, tagapagsalita ng pamahalaang bayan ng Malay, na hindi sila magpapaapekto sa pagsasagawa ng barangay elections.
Limitado lamang, aniya, sa anim na buwan ang pagpapasara sa isla kaya mahalaga ang bawat minutong gugugulin sa malawakang rehabilitasyon sa isla.
Pormal nang nagsimula ang election period sa bansa nitong Sabado, at sinimulan na rin ng Commission on Elections (Comelec) ang pagtangap ng mga naghahain ng kandidatura.
Inaasahan na rin, aniya, ng Malay government ang mahigpit na seguridad ng Philippine National Police (PNP) sa isla, lalo na sa panahon ng eleksiyon.