HINDI isinusuko ng Pilipinas ang karapatan nito sa South China Sea, ito ang pahayag ni Secretary of Foreign Affairs Alan Peter Cayetano nitong Miyerkules sa Hong kong, matapos dumalo si Pangulong Rodrigo Duterte sa Boao forum for Asia sa Hainan, China kung saan muling pinagtibay ng Pangulo at ni China President Xi Jinping ang kanilang pagtutulungan para sa pagpapaunlad ng dalawang bansa.
Noong Hunyo 2016, nanalo ang Pilipinas sa pag-angkin sa karapatan nito sa ilang mga isla sa South China Sea sa kasong isinampa ni dating Pangulong Benigno Aquino III sa United Nations-backed Arbitral Court sa the Hague, ngunit sa pag-upo ni Pangulong Duterte ay pinili niya ang pakikipagtulungan sa China.
Inaangkin ng China ang 80 porsiyento ng South China Sea, na nakabase sa nine-dash line na nasasakop halos ang lahat ng tubig, ngunit nakapasok sa 300-mile Exclusive Economic Zone ng Pilipinas. Matindi ang paninindigan nito sa ipinaglalaban na karapatan sa harap ng desisyon ng Arbitral Court- na hindi naman maipatupad ng korte.
Sa gitna ng gusot sa pag-angkin ng karapatan , na walang solusyon kung hindi digmaan, pinili ng Pilipinas at China na magtulungan para sa ikabubuti ng ekonomiya ng magkabilang bansa. Sa katatapos lamang na Boao Forum, idineklara ni Pangulong Duterte na magtutulungan ang dalawang bansa laban sa terorismo, ilegal na droga, at kriminalidad.
Suportado ng China ang “Build, build, build” infrastructure program ng Pilipinas, sa pamamagitan ng donasyon nito sa itatayong dalawang tulay sa Pasig at ang pagbibigay ng pondo para sa dam, irigasyon at mga railways project.
Kabilang din sa plano ang joint exploration ng mineral resources sa South China Sea.
Nananatiling ugat ng hindi pagkakasundo ang isla dahil isinusulong din ng ibang mga bansa ang kanilang karapatan sa ilang mga isla, gayundin sa Paracels reef sa hilaga at Spratleys sa Timog. Ang South China Sea ay pangunahing ruta ng mga barkong nagdadala ng langis at cargo patungong China, Korea at Japan sa hilaga. Determinado rin ang Estados Unidos na maipatupad sa lugar ang Freedom of Navigation. At hanggang sa ngayon ay nananatili roon ang aircraft carrier USS Theodore Roosevelt na dating nasa Maynila.
Ang lahat ng hakbang na ito ay binalewala at hindi sinang-ayunan ng China. Ang Pilipinas, Vietnam, Malaysia at Brunei ay may sarili ring hinihinging karapatan. Ngunit tulad ng pahayag ni Pangulong Duterte sa pagsisimula ng kanyang panunungkulan, hindi pa panahon upang hingin ng Pilipinas ang karapatan nito dahil mangangahulugan ito ng digmaang hindi natin kayang mapagtagumpayan. Darating din ang tamang panahon sabi ng Pangulo, “but not now.”
Ang naging pahayag ni Cayetano sa Hong Kong ay nagbigay ng linaw sa mga nag-aakalang kinalimutan na ng Pilipinas ang karapatan nito sa South China Sea. Malakas ang ating karapatan, base sa desisyon ng Arbitral Court. Sigurado tayo na magkakaroon din ng tamang panahon na ang Pilipinas at China, kasama ang iba pang mga bansa na nagnanais ng karapatan sa South China Sea ay makakabuo ng isang kasunduang magbibigay-benepisyo sa lahat.