Ni Analou de Vera

Ayalisse “Aya” Cahira Cuales
Ayalisse “Aya” Cahira Cuales
Isinilang ang limang taong gulang na si Aya na may pambihirang kondisyon, ngunit ginagawa ng kanyang mga magulang ang lahat ng makakaya upang iparanas sa anak ang mabuhay nang normal, gaya ng ibang bata.

Isinilang si Ayalisse “Aya” Cahira Cuales na mayroong parasitic twin. Ipinanganak siyang may dalawang utak, apat na braso, at apat na binti. Ayon sa tatay ni Aya, si Felson, 36, ang kaso ni Aya ang ika-97 sa mundo, at pangalawa sa Pilipinas.

Ayon kay Felson, sumailalim na si Aya sa tatlong operasyon ngunit apat na operasyon pa ang kailangang pagdaanan ng bata. Aniya, kailangan nang maisagawa ng mga doktor ang operasyon sa tethered spinal cord, scoliosis, at puwit ni Aya, sa lalong madaling panahon.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

“Kung hindi sya maoperahan, mapa-paralyze sya, hindi na siya makakagalaw, as in gulay na. Wala nang chance,” paliwanag ni Felson.

Bago isinilang si Aya noong Disyembre 12, 2012, sa Tagum City sa Davao, sinabi ni Jonavi, ina ni Aya, na alam na niya ang kondisyon ng anak noong anim na buwan pa lamang ito sa sinapupunan niya.

Wala namang kaalam-alam si Felson, na noon ay overseas Filipino worker (OFW) sa Australia, sa kondisyon ng anak, hanggang sa makita niya sa Skype ang sanggol na si Aya.

“Umiiyak ako nun. Nag-iikot ako sa Australia, pumunta ako sa malalaking siyudad. Walang tumanggap doon sa kaso. Sabihin nila ‘you’re not a resident /citizen, so, you’re not entitled for medical benefits.’ May tinanong ako na doktor. Estimated daw is $4 million. Umiyak ako. Iniisip ko saan ako kukuha nun,” kuwento ni Felson.

Bumalik si Felson sa Pilipinas at hindi na tinapos ang kontrata niya sa Australia.

Dahil sa pangangailangang medikal ni Aya, naubos ang ipon ng mag-asawa at nagkapatung-patong pa ang utang. Dahil dito, pinasok ni Felson ang iba’t ibang trabaho gaya ng pagtitinda ng prutas, pagmamaneho ng habal-habal, at pagiging janitor.

Sa kabila ng mga pagsubok na kanilang kinakaharap, nananatili pa ring positibo ang mag-asawa.

“Iniisip ko, ‘Lord, binigyan Mo kami ng trials na ganito. Inisip ko talaga maraming salamat po. Naging positive ako. Binigyan Mo kami ng ganitong pagsubok kasi alam Mong kaya namin’,” ani Felson. 

Sinabi naman ni Jonavi na mismong si Aya ang pinagkukunan nila ng lakas, at madalas umanong sabihin ng bata na “everything’s gonna be alright”.

Sa panayam habang nasa wheelchair, sinabi ng nakangiting si Aya na gusto niyang maging guro at doktor at hiling na makapunta sa isang aquarium.

Para matulungan si Aya, maaaring i-deposit ang anumang halaga sa account ni Ayalisse Cahira D. Cuales: BDO Account Number 007990059093, o makipag-ugnayan kay Felson Cuales sa 0945-1454960.