Ni Fer Taboy

Kinumpirma kahapon ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Aaron Aquino na pinatatakbo ng umano’y Hong Kong-based Dragonwood syndicate ang nadiskubreng drug laboratory sa Malabon City kamakalawa.

Ayon kay Aquino, ang nasabing sindikato ay konektado sa tinaguriang Golden triangle drug cartel na kumikilos sa mga hangganan ng Myanmar, Thailand, at Laos.

Aniya, ang natuklasang laboratoryo sa nasabing lugar ay nakagagawa ng psychotropic substances, partikular ng methylenedioxymethamphetamine (MDMA) o ecstasy.

National

VP Sara sinabing si Romualdez ang gustong pumatay sa kaniya

Sa operasyon ng PDEA, naaresto ang isang Chinese na si John Ming Shen at driver niyang si Lauro Santiago sa Barangay Tinajeros, Malabon City, dakong 5:30 ng madaling araw nitong Biyernes.

Narekober ng PDEA sa raid ang mga hinihinalaang ecstasy tablet, iba’t ibang uri ng kemikal na sangkap umano sa paggawa ng shabu at drug paraphernalia.

Nakatakdang sampahan ang mga suspek ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 (RA 9165).