Ni Clemen Bautista
MAY dalawang season o panahon sa iniibig nating Pilipinas --- ang tag-ulan at tag-araw. Ang tag-ulan o rainy season ay karaniwang nagsisimula sa ikaapat na linggo ng Mayo. Ipinahihiwatig ng pagkakaroon ng mga pag-ulan. May kasamang mga pagkidlat at pagkulog.Matatalim ang kidlat. Kasunod ang maingay na dagundong ng kulog. Kung minsan, ang tag-ulan ay nag-uumpisa sa unang linggo ng Hunyo. Ang hanging Amihan na mula sa Silangan ay napapalitan ng hanging Habagat na mula naman sa Kanluran. Umiiral kung hapon. May kasamang mga pag-ulan at unos.
Kung malakas ang ulan, nagkakaroon ng mga pagbaha sa ilog, sapa at batis na mula sa paanan ng bundok. Kapag umapaw na ang tubig-baha sa ilog at mga kanal, sa mga kalsada na aagos ang tubig-baha. Kung malakas at malalim ang baha sa kalsada, pumapasok na ang tubig-baha sa mga silong at ground floor ng bahay. Matapos ang baha, lampas-bukung-bukong ang taas ng putik na iniwan ng baha. Todo-linis ang mga may-ari ng bahay na binaha. At sa panahon ng tag-ulan, nagkakaroon ng mga tropical depression at mga bagyo. Nag-iiwan ng matinding pinsala sa buhay at kabuhayan ng mga mamamayan sa lalawigan at bayan na dinaanan ng bagyo.
Ang tag-ulan ay natatapos sa kalagitnaan o bago matapos ang buwan ng Oktubre. Unti-unting nawawala ang simoy ng Habagat at nararamdaman na ang malamig na simoy ng Amihan. Ang malamig na simoy ng Amihan o Siberian wind ay nararamdaman kung “ber months” hanggang sa pagtataposang buwan ng Marso. At pagsapit ng Abril, humihina na ang simoy ng Amihan. Ang Abril ay simula na ng tag-araw o summer season. Nararamdaman na ang init at alinsangan ng tag-araw. Parang hininga ng isang nilalagnat.
Kung tag-araw, ang malamig na simoy ng Amihan ay nararamdaman kung madaling-araw hanggang sa bukang-liwayway. At habang umaangat ang araw sa Silangan at gumagapang ang liwanag sa kapaligiran, unti-unting madarama ang hatid na init ng sikat ng araw. Habang patuloy naman ang pagtaas ng araw, kumakapit na sa balat ang nadaramang init. Ang mga dating hindi pinapawisan ay nakararamdam ng pamamawis ng likod. At sa mga nagwo-walking at jogging sa umaga, ramdam agad nila ang init at sila’y mabilis na pinapawisan.
Ang mga nabanggit ay ilan lamang sa anyo at mukha ng tag-araw. Idagdag pa rito ang matutuyong mga damo sa parang, paanan ng bundok at mga pilapil sa bukid na dating luntian. Ang unti-unting pagkatuyo ng mga sanga ng punongkahoy at pagkalagas ng mga natutuyong dahon.
Ang isa pang mukha ng tag-araw ay ang pamumulaklak ng mga halaman sa kabila ng hatid na init ng tag-araw. Ang namukadkad at bumukang bulaklak ng mga halaman ay banayad at mabilis na sumasayaw sa ugoy at ihip ng Amihan na matatanaw at makikita sa mga bakod na pader at kawayan ng mga bahay at sa mga gilid ng daan. May gumagapang. May nakalawit at nakatingala sa langit. Matitingkad ang iba’t ibang kulay. Malamig sa mata kung pagmamasdan. Bahagyang nakapapawi ng nadaramang alinsangan kapag tinapunan ng sulyap o tingin ng mga naglalakbay.
Sa buhay ng mga magsasaka, ang tag-araw ay panahon ng pag-aani ng palay (bagamat may mga nag-ani na noong Enero at Pebrero). Panahon din ng pag-aani ng mga gulay na binabanggit sa awiting bayan na “Bahay- Kubo”. Inaani ng mga magsasaka sa Barangay Palay-Palay, Bgy. Lobo, Bgy. Pagkalinawan at Bgy. Bagumbong sa Jalajala, Rizal.
Sa ibang bayan sa lalawigan tulad sa Morong, Rizal, matapos mag-ani ng palay, ang mga linang sa bukid ay muling aararuhin ng mga magsasaka. Sa tulong ng irigasyon o patubig, muling tatamnan ng palay. Tinatawag nilang “panag-arawan” ang pagtatanim ng palay kung tag-araw. Sa pag-aararo ng bukid, naglipana at kasunod ng mga magsasaka ang mga lumilipad na mga ibong Kanaway at Tagak. Tangay ng tuka ang nadagit sa linang na isda, palaka, suhong at bulate. Makalipas ang ilang linggo, ang itinanim na palay na sa simula ay kulay dilaw ay magkukulay na luntian. At makalipas pa ang ilang araw, maglilihi at magbubuntis na ang mga uhay ng palay. At ang bunga ng sipag at pagod ay muling aanihin. Kalakip ang pag-asa at pasasalamat sa Poong Maykapal.
Ang pagsapit ng tag-araw ay panahon din ng mga outing, pagre-relaks at pagtungo ng ating mga kababayan sa iba’t ibang resort na may malamig na tubig upang doon maglunoy, magbabad at maligo. Maibsan ang init at alinsangan na hatid ng tag-araw. Ang mga mayaman at masalapi ay nagtutungo sa mga kilalang resort sa mga lalawigan. Panahon na rin ito ng pagdiriwang ng mga kapistahan. Pasasalamat sa Diyos sa pagpatnubay ng kanilang patron saint sa mga natanggap na biyaya.
Sa mga Pilipino, ang tag-araw ay bahagi ng ating buhay. May paniwalang isang magandang panahon ito ng pag-iimpok.
At tulad ng tag-ulan na laging kasunod ng tag-araw, nag-iiwan lagi ng mga alaala at gunita na may iba-ibang anyo at mukha.
Ganito naman ang tula ng inyong lingkod tungkol sa tag-araw. May pamagat na BIYAYA NG TAG-ARAW. “Malamig ang simoy ng iyong Amihan,/kung madaling-araw at bukang-liwayway,/May hatid-ginhawa at bagong pag-asa,/sa bawat nilikhang dasal sa umaga,/gabay at patnubay ng Dakilang Ama./Sa mga halaman at mga bulaklak,/ang halik ng hangin at hamog na pumatak,/panangga sa init at maghapong lungkot. / Natutuyong damo sa parang, paanan ng bundok,/at mga pilapil sa bukid na yakap ng init,/kahit nagmamaktol ay nagpasalamat,/sa dampi ng hangin mong may lambing at lamig./Sa init mo tag-araw, ang mga bulaklak/ay sumibol na rin at nangamukadkad,/sa ugoy ng hangin mo’y sumayaw, nagalak./A, tag-araw, sa buhay ng tao at mga pagsubok,/Isang panahon ka ng sipag-pag-iimpok;/pagkat ang tag-ulan na iyong kasunod,/ay pakikibaka na sa hirap at lungkot!