Ni Reggee Bonoan

PARATING sidekick si Ryan Bang sa lahat ng proyekto niya pero malalaking artista naman ang nakakasama niya, kaya laking pasasalamat na niya sa mga proyektong ibinibigay sa kanya.

RYAN BANG AT KIM copy

“Nag-umpisa akong sidekick ni Papa P (Piolo Pascual) ‘tapos sidekick ako ni Coco Martin, ‘tapos ngayon si Idol Robin (Padilla, sa Sana Dalawa Ang Puso).”

'Sarap sa pakiramdam!' Kiray mahal na mahal, never niloko ng jowa

Ikinagulat niya na siya ang kinuha ng Star Cinema para maging leading man ni Kim Chiu sa pelikulang Da One That Ghost Away na mapapanood na sa Abril 18.

“Hindi ko akalain ako ‘yung magiging leading man. Siguro katulad din nu’ng nangyari kay Empoy, may chance din ako. Nag-iipun-ipon pa ako para ako ang mag-produce para maging bida. Pero ngayon natupad. Kaya ‘binigay ko dito sa movie ang 150 percent,” pahayag ni Ryan.

Naikuwento ni Ryan Bang, na sikat na rin sa Korea na pinanggalingan niyang bansa, na may offer siya sa Seoul Broadcasting System o SBS para magkaroon ng karera roon, pero tinanggihan niya.

“Overwhelmed talaga ako. Hindi ko akalain na ganito ang mangyari sa buhay ko. Pero kasi ‘yung malaking offer sa akin ng Korea nu’ng SBS hindi ko tinanggap, nagsisi ako konti, eh.

“Pero hindi na ako nagsisi dahil ito pala ‘yung mangyayari. Leading man pa ni Kim Chiu, kaya sobrang masaya ako.

Overwhelmed pa. Nu’ng nakasama ko si Kim Chiu hindi na (ako nagsisi). May offer naman sa akin pero hindi ko nga tinatanggap ang regular show, na regular host. Ano lang, guest-guest lang ako sa Korea,” kuwento ng isa sa mainstay ng It’s Showtime.

Gagampanan ni Ryan ang karakter ni Jeje na best friend ni Kim.

“Ako ay isang teacher ng Tagalog at English sa mga Korean students ‘tapos du’n ako nakatira sa bahay ni Kim na si Carmel. Siyempre ang umpisa best friend ‘tapos unti-unti iba ‘yung naramdaman ko sa kanya. ‘Tapos unti-unti mabilis tumitibok ang puso kaya nagustuhan ko si Kim. Abangan n’yo kung ano’ng mangyayari, baka may kissing scene, baka may ano...,” sabay tawa ng maldito.

“Dito sa movie wala akong naramdaman na may bida. Tulungan lahat ‘tapos lahat kami sa isang tent. Hindi ko alam sino nag-suggest pero may nag-suggest na sa isang tent lahat kami magsama-sama. Wala namang naramdaman kung sino ‘yung bida, kung sino ‘yung sidekick. Bawat isang role lahat parang bida sila. Kaya lahat ng bawat isang character may purpose sa movie. Hindi puwedeng wala sila. Si Kim ‘yung pinakabida namin.”

Puring-puri ni Kim si Ryan Bang na napaka-gentleman, mabait at generous dahil parating nagpapakain sa set. At hindi lang silang mga artista ang kasama sa ipinabibili niya ng pagkain kundi para sa lahat, simula sa utility pataas.

Ang Da One That Ghost Away ay mula sa direksiyon ni Tony Y. Reyes na identified kay Vic Sotto pero puwede palang tumawid-tawid sa paggawa ng mga pelikula.