Sinabi kahapon ni Justice Secretary Menardo Guevarra na pag-aaralan niya ang posibilidad na bawiin ng gobyerno ang petisyon nito upang ideklarang mga terorista ang Communist Party of the Philippines (CPP) at ang armadong sangay nito, ang New People’s Army (NPA).
Ayon kay Guevarra, kukonsultahin niya sa isyu sina National Security Adviser Hermogenes Esperon at Presidential Adviser on the Peace Process Jesus Dureza.
“As this involves national security, I’ll have to consult first with our national security adviser and the presidential adviser on the peace process,” sabi ni Guevarra. “This is not an ordinary criminal prosecution.”
Inatasan kamakailan ni Pangulong Duterte ang government peace panel na muling buhayin ang usapang pangkapayapaan sa komunistang grupo, sinabing nais niyang bigyan ng “another last chance” ang usapang pangkapayapaan sa CPP.
Disyembre ng nakaraang taon nang iproklama ni Duterte ang CPP-NPA bilang teroristang grupo kasunod ng tuluy-tuloy nitong pag-atake laban sa puwersa ng gobyerno kahit pa umuusad na ang negosasyon.
Pebrero 21, 2018 naman nang maghain ng petisyon ang Department of Justice (DoJ) sa Manila Regional Trial Court (RTC) upang pormal na maideklara ang CPP-NPA bilang mga terorista. - Jeffrey G. Damicog