SA ikalimang anibersaryo ng pamumuno sa Simbahang Katoliko ni Pope Francis noong Marso 19, inilabas niya ang isang dokumento na pinamagatang “Rejoice and Be Glad” kung saan pinagtibay niyang muli ang sentro ng kanyang pagiging papa, ang pagmamahal ng Diyos sa mahihirap, ang pagpapakumbaba at pagiging maawain, tulad ng nakasaad sa Bibliya.
Ito ay pagpapatuloy ng apela ng Santo Papa para sa milyong imigrante na naghahanap ng bagong buhay mula sa kaguluhan, kagutuman, kamatayan at pagkasira ng kanilang bayan. Sa pagtatanggol niya sa mahihirap at immigrante tinawag niya itong “equally sacred” tulad ng pagtatanggol sa mga wala pang buhay.
Sinabi niya na ang Simbahan ay may mga Santo na nakamit ang mataas na lebel ng kabanalan, ngunit sinabi niya na mayroon ding “middle class of holiness”- tulad ng pagmamahal ng lalaki sa kanyang asawa, ang matiyagang pagtuturo ng ina sa kanyang anak, ang isang empleyado na nagtatrabaho ng may integridad. Sinabi niyang hindi kailangang maging perpekto upang makamit ang ganitong kabanalan.
Ang pinakabagong pahayag ni Pope Francis ay nakatuon sa mga konserbatibo na nasa Simbahan. Sinabi niyang “an obsession with the law, an absorption with social and political advantages, a punctilious concern for the Church’s liturgy, doctrine and prestige.” Binanggit din niyang mas pinagtutuunan ng iba ang aborsiyon kaysa ibang mga isyu. “Equally sacred, however,” sabi niya, “are the lives of the poor, those already born, the destitute, the abandoned, the victims of human trafficking, new forms of slavery and every form of rejection.”
Pinaniniwalaang ang kanyang mga pahayag ay patungkol sa mga anti-immigrant sa Estados Unidos, Europa at iba pang bahagi ng mundo. Ngunit para sa isang Kristiyano, sinabi niya na “the only proper attitude is to stand in the shoes of those brothers and sisters of ours who risk their lives to offer a future to thier children.”
Ang mga salita ng Santo Papa ay siguradong nadama ng marami sa buong mundo, para sa mga tao sa mga estado ng Europa na naghalal ng mga anti-immigrant na mga opisyal, ang pangulo ng Estados Unidos na nagpatigil sa pagtanggap ng mga bisita mula sa mga Muslim na bansa sa Middle East, ang pamahalaan at militar ng Buddhist Myanmar na nagtataboy sa mga Muslim Rohingyas.
Ang mga pahayag na ito ay naramdaman din at tinanggap ng ating mga kababayan, sa mga mahihirap, mga biktima ng human trafficking, ang mga naghahanap ng trabaho sa ibang bansa upang masuportahan at maibigay ang magandang kinabukasan para sa kanilang pamilya.
Ang masidhing pangaral ni Pope Francis ay para sa mga konserbatibo sa Simbahan, ang mga doctrinaire perfectionist na prayoridad ang ibang ideolohiya kaysa ebanghelyo na nagtuturo ng pamamahal, malasakit at pagtulong sa mahihirap.
Tayo sa Pilipinas ay may malaking pagbibigay sa mahihirap. Sa gitna ng mga programa ng pamahalaan para sa pagpapalago at pagpapaunlad ng bansa, maaaring pagtuunan din ang mga programa para sa kanila.