INANUNSIYO ng Department of Health (DoH) ang pagtatalaga ng 500 nurses upang mabantayan ang kalagayan ng mga batang nabakunahan ng kontrobersiyal na Dengvaxia vaccine.
Sa press briefing sa tanggapan ng DoH sa Maynila, sinabi Undersecretary Enrique Domingo na makatutulong ang itatalagang mga nurse sa pagbabantay ng kalagayan ng mga bata sa mga paaralan at komunidad na sakop ng dengue immunization program. Ito ay ang mga lugar sa National Capital Region, Central Luzon, Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon), at Cebu.
Ipinaalam ni Domingo na aprubado na ni Health Secretary Francisco Duque ang inisyal na pagpapadala ng 150 nurse sa mga nabanggit na lugar, habang ang natitirang 350 nurse ay maitatalaga kapag dumating na ang budget.
“But for the (hiring and deployment of) 350 nurses, we will still await the go signal from Congress,” ayon kay Domingo.
Dagdag pa niya, hinihiling na ng DoH sa mga mambabatas na payagan ang ahensiya na magamit ang nakuhang refund mula sa mga hindi nagamit na Dengvaxia vaccine para sa pagpapadala ng mga nurse at sa monitoring program.
Kamakailan lamang, paulit-ulit na hiniling ni Duque sa mga mambabatas na payagan ang DoH na magamit ang nakuhang refund upang magamit ito sa pagbabantay ng kalusugan ng mga pamilyang nabakunahan.
Sa ngayon, mahigit P22 milyon na ang nagastos ng ahensiya para sa medical assistance nito sa mga nakatanggap ng Dengvaxia na nagkasakit at nadala sa mga ospital. Nagamit din ang pondo para sa serbisyong inilaan sa mga pasyente at sa pamamahagi ng Dengvaxia kits. - PNA