Ni DHEL NAZARIO
Patay ang magkapatid makaraang pagsasaksakin ng sarili nilang ama, sinasabing gumagamit ng ilegal na droga, na kalaunan ay napatay ng mga rumespondeng pulis sa Taguig City kahapon.
Kinilala ang suspek na si Ariston Nacion, 42, na namatay sa ilang tama ng bala sa dibdib matapos umanong sugurin ng saksak ang mga rumespondeng pulis.
Unang binawian ng buhay ang magkapatid na sina Jivo Nacion, 13; at Lance Nacion, 6, sanhi ng mga saksak sa katawan.
Sa ulat na ipinarating ni Southern Police District Chief Supt. Tomas Apolinario, Jr., bago ang insidente ay nagtalo sa telepono ang suspek at ang misis nito na nagtatrabaho sa ibang bansa.
Matapos mag-usap ng mag-asawa, pinagbalingan ng suspek sina Jivo at Lance at nauwi sa pananaksak.
Nakatanggap naman ng ulat ang awtoridad na may gulo sa bahay ng pamilya sa Pangilinan Street, sa New Lower Bicutan, Taguig City, kung saan umano narinig ang pag-iyak ng magkapatid.
Pagdating ng mga pulis sa lugar, sinugod sila ng saksak ng suspek kaya napilitan silang barilin ito sa dibdib hanggang sa bumulagta.
Nadiskubre sa loob ng bahay na wala nang buhay at naliligo sa sariling dugo ang mga biktima.
Ayon sa pulisya, selos ang isa sa tinitingnang motibo sa pagpatay at sinasabing lango sa ilegal na droga ang suspek.
Batay kay Taguig Assistant Chief of Police for Operations Clarence Gomeyac, sinabi ng misis ng suspek sa awtoridad na pinapauwi na siya ng kanyang mister at kung hindi ay papatayin nito ang dalawang anak.