Nina FER TABOY at AARON RECUENCO

Aabot na sa 44 na katao ang nasawi nang bombahin ng militar ang kuta ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa Maguindanao.

Sa report ng Armed Forces of the Philippines (AFP), naitala ang nasabing bilang ng napatay matapos ang magdamag na pagbobomba ng field artillery battalion ng Philippine Army (PA) at ng dalawang helicopter gunship ng Philippine Air Force (PAF) sa pinagtataguan ng BIFF sa lalawigan.

Nilinaw ng militar na puntirya ng airstrike ang kuta ng umano’y emir ng BIFF na si Shiek Esmail Abdulmalik, alyas “Kumander Abu Turaifie”, sa Sitio Ambiraya, Barangay Ganoy, Datu Salibo, Maguindanao.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Inaalam pa ng militar ang pagkakakilanlan ng mga napaslang.

Kaugnay nito, sinalakay ng militar at pulisya ang kampo ng isa pang BIFF commander na si Gani Saligan sa bayan ng Paglat.

Ayon kay Lt. Col. Harold Cabunoc, commander ng 33rd Infantry Battalion, limang katao ang naaresto sa nasabing raid, na target na madakip si Sindatok Dilma, alyas “Motolite”, kanang kamay ni Saligan.

Sinabi ni Cabunoc na bandang 5:30 ng umaga nitong Biyernes nang salakayin nila ang hideout ni Dilma sa Bgy. Tual at naaresto roon ang limang armadong lalaki.

Nakumpiska umano mula sa mga suspek ang tatlong matataas na kalibre ng baril at dalawang .45 caliber pistol.