KABILANG sa cast ng Disney’s live-action version ng Mulan ang Chinese stars na sina Gong Li at Jet Li, at sila ang makakalaban nina Donnie Yen at Liu Yifei.
Ang pelikula ay remake ng 1998 animated film ng Disney na nagsasalaysay ng kuwento ni Fa Mulan, anak ng matandang warrior na si Fa Zhou, na magpapanggap bilang lalaki, upang akuin ang posisyon ng kanyang ama sa isang general conscription noong Han Dynasty.
Isinasapinal na kung si Jet Li ang gaganap bilang emperor ng China, na siyang naglabas ng kautusan na pakilusin ang mga sundalo. Gagampanan naman ni Gong Li ang karakter ng kontrabidang mangkukulam. Si Chinese-Vietnamese actress Xana Tang naman ang gaganap bilang kapatid ni Mulan.
Si Niki Caro ang magdidirihe sa pelikula, na kabilang din sa cast si Donnie Yen bilang mentor ni Mulan, si Commander Tung. Magsisimula ang shooting ng Mulan sa Agosto sa China at New Zealand.
Sina Chris Bender, Jason Reed, at Jake Weiner ang producer ng pelikula na ipapalabas sa Marso 27, 2020.
Unang sumikat si Gong Li noong 1987 sa pelikulang Red Sorghum. Nagbida rin siya sa 2016 Chinese action-fantasy na The Monkey King 2.
Ang unang pelikula ni Jet Li noong 1982 ay ang Shaolin Temple. Ang kanyang unang role sa American films ay noong 1998 sa Lethan Weapon 4.
Binosesan ang English-language version ng orihinal na Mulan nina Ming-Na Wen, Eddie Murphy, Miguel Ferrer, at BD Wong, at si Jackie Chan naman sa Chinese dubs ng pelikula. Tumabo ang Mulan ng $304.3 million sa buong mundo.
Naging matagumpay ang live-action reboots ng animated films ng Disney kabilang ang Maleficent, Cinderella, The Jungle Book, at pinakabago, ang Beauty and the Beast. Kasalukuyan nang ginagawa ang Dumbo, na idiniderihe ni Tim Burton at pinagbibidahan ni Colin Farrell. - Variety