NAGSANIB pwersa muli ang LACUAA champion Asia Tech College at Wang’s Ballclub para lumahok sa 2018 MBL Open basketball championship simula Abril 20 sa CCP gym sa Sta. Mesa, Manila.
Tatawaging Wang’s Ballclub-Asia Tech, ang Laguna-based team ay pangangasiwaan nina coach Pablo Lucas at assistant coaches Terry Saldana at Edward Medina.
Sina MBL chairman Alex Wang at Shelalin Guden ang tatayong team managers habang Cres Indino ang consultant.
“Kapwa umaasam ang Wang’s Ballclub at Asia Tech na lalo pang pataasin ang antas ng basketball at umaasa na makakita ng paraan para lalo pang mag-tagumpay. Isa ang paglahok sa MBL para lalo pang palakasin ang aming team,” pahayag ni Lucas.
“Magandang training ground ito para sa amin, lalo na sa aming paghahanda sa susunod na LACUAA,” dagdag ni Pablo, na una nang pinangunahan ang Wang’s Ballclub sa PBA D-League at Cheng Zhenggong Cup sa Fujian Province, China.
Maglalaro sa Wang’s-Asia Tech sina Reinier Quinga, Argene Sabalza, Francis Basbas, Paul Henry Dabu, Jay-Ar Dollosa, Edmar Padua at Marvin Altarejos.
Last year, nalusutan ng CdSL-V Hotel ang FEU-NRMF, 87-85, sa kanilang winner-take-all showdown upang masungkit ang kampeonato sa unang sabak pa lamang sa liga.
Nanguna sina import Soulemane Chabi Yo at Jon Gabriel para sa Blue Griffins nina coach Boni Garcia at manager Jimi Lim.
Ang FEU-NRMF, na pinatnubayan nina coach Pido Jarencio at manager Nino Reyes, ay nakuntento sa runner-honor.
Ang iba pang mga inanyayahang teams ay ang Philippine Christian University (Elvis Tolentino/Dr. Junifen Gauuan); Diliman College (Rensy Bajar/Sen.Nikki Coseteng; Emilio Aguinaldo College (Ariel Sison/Dr. Jose Campos); Wang’s Ballclub-Asia Tech (Pablo Lucas/Shelalin Guden); Trace College (Nomar Isla); College of St. John Paul (Kiko Flores/Cherry Mendoza) at Caloocan Supremos (John Kallos/Mayor Oca Malapitan).
Sa iba pang mga katanungan, tumawag lamang kay Albert Andaya sa mobile 0917-7688638.