Ni Orly L. Barcala

Tatlong apartment unit ang nilamon ng apoy habang tatlong alagang aso ang natusta sa sunog sa Caloocan City, nitong Biyernes ng gabi.

Nagliyab ang tatlong unit na pag-aari nina Vicky Resurrection, 38; at Myrna Doculara, 42, na matatagpuan sa Barangay 159, Caloocan City, dakong 11:30 ng gabi.

Ayon kay Fire Senior Insp. Mark Christopher Pila, ng Caloocan Fire Station, nakatulong nang malaki ang mga fire wall na gawa sa semento kaya hindi kumalat ang apoy sa lugar at naapula makalipas ang kalahating oras.

Romualdez, nanawagan sa Kamara: 'Let us reject baseless accusations!'

Gayunman, malungkot na ibinalita ni Doculara na nalitson sa loob ng nasusunog nilang apartment ang tatlong alagang aso.

“Mahal na mahal po namin ang aming mga aso at katabi pa sa pagtulog. Natakot sa apoy kaya pumasok sa kuwarto kaya hindi na naming nabalikan,” kuwento niya.

Umabot sa P150,000 ang halaga ng mga ari-ariang natupok habang walang iniulat na nasaktan sa insidente.

Patuloy na inaalam ang sanhi ng sunog.