Nina Alexandria San Juan at Jun Fabon

Patay ang isang hindi pa nakikilalang lalaki makaraang makipagbarilan sa mga pulis habang nasakote ang dalawa nitong kasama matapos iwasan ang Oplan Galugad sa Quezon City, kahapon ng madaling araw.

Inilarawan ng mga imbestigador ng Quezon City Police District ang nasawing suspek na si Aries Libre 30, ng San Mateo, Rizal na agad binawian ng buhay dahil sa mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Bago ang insidente, nagsagawa ng Oplan Galugad ang mga tauhan ng QCPD-Novaliches Police Station (PS-4) sa Geronimo Street, Barangay Sta. Monica, sa Novaliches, dakong 10:00 ng gabi nitong Biyernes.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Namataan ng mga pulis ang apat na lalaki na sakay sa pulang Toyota Vios na nakaparada sa madilim na bahagi ng kalsada.

Sa paglapit ng mga pulis sa sasakyan, isa sa mga sakay nito ang bumunot ng baril at binaril ang awtoridad bago pinaharurot ang sasakyan hanggang nauwi sa habulan at engkuwentro.

Pagsapit sa isang compound sa Bgy. Kaligayahan sa Novaliches, nagkanya-kanyang pulasan ang apat na suspek ngunit naaresto sina Jerry Taturan, 41, ng Bgy. North Fairview; at Gerome Gonzales, 18, ng Bgy. Sta. Monica.

Pagsapit ng 12:00 ng madaling araw kahapon, nagsagawa ng follow-up operation ang awtoridad matapos makatanggap ng impormasyon na may dalawang sugatang lalaki sa lugar.

Naispatan ng awtoridad ang dalawang suspek sa Quirino Avenue sa Bgy. Kaligayahan, at sa halip na sumuko ang mga ito ay pinaputukan umano ang mga pulis na agad gumanti at tuluyang bumulagta ang isa habang nakatakas ang isa pa.

Narekober sa napatay na suspek ang isang 9mm pistol at mga basyo ng bala ng naturang baril.

Maging ang ginamit na sasakyan ng mga suspek, na may conduction sticker VE 5394, ay narekober ng awtoridad.

Nasa kustodiya ngayon ng PS-4 ang mga suspek habang nagkasa ng manhunt operation laban sa nakatakas na suspek.