Ni Jeffrey G. Damicog

Nahaharap sa kasong kriminal sa Department of Justice (DoJ) ang isang cosmetic company nang mabuking na naglalaman ng mga pekeng sigarilyo na may pekeng tax stamps, na nagkakahalaga ng P16 na milyon, ang delivery truck nito.

Nagsampa kahapon ng kaso ang Bureau of Internal Revenue (BIR) laban sa Merrysun Corporation at sa mga executive nito na sina chief executive Jasmine Tan, treasurer Arlene Yu Benitez, at shareholders Sam Ramos Villa, Binbin Chen, Jing Xuan Xu, at Sharly Cai Tan.

Kabilang din sa respondents ang may-ari ng delivery truck na si Shanshan Xu, driver na si Albert Lopez at ang mga helper na sina Arjay Lopez at Reynaldo Samedra.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Sila ay pawang inakusahan ng paglabag sa National Internal Revenue Code of 1997, partikular na ang unlawful possession or removal of articles subject to excise tax without payment of the tax in violation of Section 263; at bigong pagbabayad ng buwis na paglabag sa Section 255, in relation to Sections 171, 172, 253(d) and 256.

Ayon sa BIR, ang Merrysun ay isang domestic corporation na nakabase sa Binondo, Maynila at saklaw ng kumpanya ang pagbili, pagbenta, pamamahagi, marketing at wholesaling ng cosmetic products.

Nadiskubre ang paglabag matapos ma-impound ang delivery truck nang mahuli sa hindi pagsunod sa batas-trapiko.

Natagpuan ng mga pulis ang kahun-kahong pekeng sigarilyo sa loob ng naturang delivery truck.

Ininspeksiyon ng BIR ang mga produkto at natuklasang nagtataglay ang mga ito ng pekeng tax stamps.

Nakumpiska sa truck ang 32,550 kaha ng sigarilyo sa loob ng 65 master boxes, at tinatayang may deficiency excise tax liability na P15,868,125.

“Clearly, Merrysun Corporation violated the Tax Code by having in its possession 65 hoxes of cigarette products found to be fake and containing fake stamps,” pahayag ng BIR.