Ni Gilbert Espeña
DOBLE ang selebrasyon ng Pinoy camp sa Japan nang mapanatili ni Richard Pumicpic ang WBO Asia Pacific featherweight title kontra Yoshimutsi Kimura at makamit ni Alvin Lagumbay ang WBO Asia Pacific welterweight crown via knockout laban sa world rated na si Keita Obara nitong Huwebes sa Korakuen Hall, Tokyo, Japan.
Unang pagdepensa sa korona ang laban ni Pumicpic kontra sa dating walang talong si Kimura, ang pinakabatang sumisikat na kampeon sa Japan sa edad na 21, ngunit t walang nagawa sa mas beteranong Pilipino na nakalistang No. 12 sa WBO rankings.
Natamo ni Pumicpic ang korona noong Setyembre 29, 2017 nang kumbinsihin niyang talunin sa puntos si two-time world title challenger Hisashi Amagasa sa sagupaang ginanap din sa pamosong Korakuen Hall.
Napaganda ni Pumicpic ang kanyang rekord sa 21-8-2na may 4 na panalo lamang sa knockouts samantalang may rekord si Kimura ngayon na 9 na panalo, 4 sa pamamagitan knockouts at isang talo.
Nasorpresa naman ng knockout artist na si Lagumbay ang kampeong si Obara nang mapatigil niya ito sa ikatlong round ng kanilang kampeonato.
Tiyak na papasok ang tubong Bukidnon na si Lagumbay sa world rankings dahil nakalista si Obara bilang No. 6 contender kay WBO welterweight champion Jeff Horn ng Australia at No. 8 challenger kay IBF 147 pounds titlist Errol Spence Jr. ng United States.
May rekord ngayon si Lagumbay na 10-2-0 na may 9 pagwawagi sa knockouts at bumgsak ang rekord ni Obara sa 19-3-1 win-loss-draw na may 17 panalo sa knockouts.