Ni PNA
MAGKAKALOOB ang Philippine Coconut Authority (PCA) ng P53.23 milyong insentibo sa mga coconut farmers ng Eastern Visayas , para sa pagtatanim ng saging matapos ang bagyong Yolanda noong 2013.
Sa datos nitong Marso, nakapamahagi na ang PCA regional office ng P22.81 milyon sa 6,821 magsasaka na nakapagtanim ng 912,650 puno ng saging sa loob ng dalawang taon, matapos ang pananalasa ng bagyong Yolanda.
“We have been going around provinces to inform coconut farmers that incentives for banana intercropping is now ready for release,” pahayag ni PCA Regional Manager Joel Pilapil.
Nilinaw ng opisyal na ang insentibo ay inilaan para sa 15,646 na coconut farmers na nakapagtanim ng 2.12 milyong puno ng saging noong 2014-2015.
“It takes time to release the money since we have to abide to some auditing rules. Even if it comes late, we see the happy faces of farmers receiving checks,” ani Pilapil.
Iprinayoridad ng ahensiya ang pagbibigay ng tulong pinansiyal sa mga magsasaka na nagtatanim ng saging, dahil angkop umano ang mga ito sa taniman ng mga niyog, mataas ang demand sa pamilihan at maaaring maani kahit wala pang isang taon.
“While waiting for the full recovery of coconut, we introduced banana intercropping for farmers to have alternative income. This is the first time that PCA provided cash reward to farmers engaged in intercropping,” dagdag pa ni Pilapil.
Sa P53.23 milyong budget, P39.06 milyon ang inilaan para sa Leyte; P1.41 milyon para sa Biliran; P250,000 para sa Southern Leyte; P5 milyon para sa Samar; at P7.5 milyon para sa Eastern Samar.
Target ng PCA na matapos ang pamamahagi ng insentibo sa unang bahagi ng taon.
Umabot sa 33.90 milyong puno ng niyog ang nasira sa Eastern Visayas dahil sa Yolanda.
Sa kabuuan, 13.90 milyon ang nasa kategorya na totally damaged; 9.04 milyon ang severely damaged; 5.69 milyon ang slightly damaged; at 5.28 milyon ang moderately damaged.