Ni Ric Valmonte
MASYADONG mapanganib ang teorya ni Solicitor General Jose Calida sa quo warranto case na isinampa niya laban kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno. Kapag ang gobyerno umano ang nagpapatalsik sa puwesto sa hindi kuwalipikadong nakaupo, hindi ito sakop ng limitasyon na idulog ang quo warranto sa loob ng isang taon. Dahil ang Office of the Solicitor General (OSG) ang abogado ng gobyerno, kahit kailan ay puwede itong magsampa ng quo warranto. Kahit limang taon nang nanunungkulan si Sereno bilang punong mahistrado ay may bisa, ayon sa kanya, ang quo warranto petition laban dito. Pero ang alam natin , nakialam ang OSG sa pagpapatalsik kay CJ Sereno sa pagsampa ng qou warranto sa ngalan ng suspendidong abogado. Dahil, ayon sa kanya, abogado siya ng gobyerno, may kaugnayan si Pangulong Duterte rito.
Ang posisyong ito ay naglalagay ng sword of Damecles sa bawat ulo ng mga mahistrado, kapag hinayaang ang pamamaraang quo warranto ay magamit para patalsikin sila o kahit sino sa kanila, ayon kay Associate Justice Benjamin Caquioa. Pahihinain, aniya, ang kalayaan at kredibilidad ng Korte Suprema. “Kasi ang OSG ay puwedeng gumamit ng anumang kaso at gawing batayan ito ng quo warranto petition laban kahit sinong mahistrado at tanggalin ito sa puwesto,” wika ni Caguioa. Kapag tinunton umano ang dulo ng teorya ni Solgen Calida, kahit sinong solicitor general sa darating na panahon ay kayang magtutok ng sable sa ulo ng mga mahistrado, grupo man o indibiduwal, at sisirain ang integridad ng Korte.
“Ang mga nagkakasalang hukom ay tinatanggal ng Korte Suprema, pero walang kapangyarihan ito para tanggalin ang kanyang mga miyembro,” sabi ni Atty. Poblador, abogado ni CJ Sereno, sa pagtatanong ni Caguioa.
Ang kapangyarihan, aniya, ay nasa kamay ng Kongreso sa pamamagitan ng impeachment. Kaya, tama ang ginawa ni AJ Marivic Leonen, kahit nag-iisa, na ibinasura ang quo warranto petition ni Solgen Calida dahil wala umanong hurisdiksiyon ang Korte Suprema. Kinatigan niya ang posisyon ni AJ Caguiao. Aniya, kapag ang one-year limit, na itinatakda ng Section 11 Rule 66 ng Rules of Court para makahain ng quo warranto petition, at kapag lampas na rito ay hindi na maaari magkaroon ang Solgen ng napakalawak na discretion magsampa ng quo warranto anumang oras para sa anumang layunin.
Sa tatlong departamento ng gobyerno- lehislatura, ehekutibo at hudikatura- ang hudikatura ang pinakamahina. Pero ito ang may pinakamahalagang tungkulin sa isang demokratikong lipunan. Ito ang huling hantungan ng mga reklamong naghahanap ng katarungan. Kapag nasira ang hudikatura dahil wala na itong layang manggawad ng katarungan, magiging mailap na ang kapayapaan. Ang lipunan ay magmimistulang gubat . Pero, ang taumbayan ay mapagkakatiwalaang ituwid ang mali tulad nang pabagsikin ang diktadurya. Sila na ang magpapairal ng katarungan.